EDITORYAL - Paulit-ulit na pagpatay sa mga mamamahayag
Mapanganib ang maging mamamahayag sa bansang ito. Walang proteksiyon at mistulang manok o ibon na binabaril hanggang mapatay. Noong Martes ng gabi, isa na namang mamamahayag ang pinatay at tiyak na ang kasong ito ay hindi na naman malulutas. Mapapabilang ito sa mga tambak na kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.
Binaril at napatay si Rex Cornelio Pepino, 48, reporter ng Energy 93.7 FM radio sa Dumaguete City. Nakasakay si Pepino sa motorsiklo at angkas ang kanyang asawa pauwi sa kanilang bahay. Pagsapit sa North Road sa Bgy. Daro, hinarang sila ng riding-in-tandem at pinaputukan. Tinamaan si Pepino sa katawan. Hindi na siya nakarating ng buhay sa ospital. Hindi naman tinamaan ang kanyang asawa.
Si Pepino ang ika-16 na mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Duterte administration. Noong nakaraang taon (Oktubre 20, 2019), pinatay din si Jupiter Gonzales, kolumnista ng pahayagang Remate. Pinagbabaril si Gonzales at kaibigan nito habang lulan ng sasakyan sa Pampanga. Pinatay din ang mamamahayag na si Dindo Generoso noong Nobyembre 2019 at si Edmund Sestoso noong Abril 2018. Noong 2017, pinatay din ang tabloid columnist na si Joaquin Briones.
Pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao kung saan 30 mamamahayag ang pinatay na may kaugnayan sa election. Nahatulan na ang mga “utak” sa pagpatay subalit mayroon pang nakalalaya.
Ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ) na nakabase sa New York, number 5 ang Pilipinas sa mga pinaka-mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Nangunguna ang Somalia, ikalawa ang Syria, ikatlo ang Iraq at ikaapat ang Pakistan.
Minsang sinabi ni President Duterte na tututukan ng kanyang administrasyon ang mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag at pananagutin ang mga nasa likod nito. Dalawang taon na lang ang nalalabi sa kanyang termino at tila mahirap paniwalaan sapagkat nagpapatuloy ang pagpatay sa mga mamamahayag kahit pa nga naka-lockdown ang maraming lugar dahil sa pandemic crisis.
Ganunman, umaasa pa rin ang mga mamamahayag na mapuprotektahan sila gaya nang ipinangako. Naniniwala pa rin sila na kikilos ang PNP para hanapin ang mga killer at “utak” sa mga nangyayaring pagpatay.
- Latest