Makatwiran
Matapos masangkot ang Philippine National Police sa mahirap maispeling na pagpaslang kay retiradong sundalong Cpl. Winston Ragos sa checkpoint sa Bgy. Pasong Putik, Quezon City, heto at muli silang napasabak sa engkuwentro sa Makati. May namagitan ding tensiyon sa rumerespondeng pulis at sa mamamayang nasampolan. Hindi nauwi sa kamatayan subalit nagiging palaisipan din ang ikinilos ng alagad ng batas. Labis ba sa nararapat ang kanilang reaksyon?
Sa loob ito ng ekslusibong Dasmariñas Village sa Makati at ang katunggali ay mayamang residente ng subdivision. Dahil sa pagpalag ng huli sa pagsita sa kasamahang nagdidilig sa loob ng bahay na walang facemask, humantong ang usapan sa sigawan at murahan. Ipinapatupad ng pulis ang regulasyon na bawal lumabas ng bahay na walang suot na face mask. Kung bakit naman ipinatutupad ito sa taong nasa loob ng sariling pamamahay ay hindi maipaliwanag.
Dahil dito, umalma ang dayuhang may-ari ng bahay. Sa bugso ng damdamin ay sinigawan at hinamon ang awtoridad ng pulis. Dahil siguro sa walang humpay na pagmamatigas at pagiging pasaway ng residente, sinubukang arestuhin ito sa loob ng sariling pamamahay. Wala mang nangyaring pagbunot ng baril, kitang-kita naman sa video ang karahasang pinairal sa aktong pag-aresto sa hindi armadong residente.
Sa mga nakapanood, marami ang nabastusan sa inasal ng dayuhan. Subalit hindi maikakaila na nag-umpisa ang kontrobersiya nang sitahin ng pulis ang isang taong nasa loob ng sariling pamamahay. Sa loob ng pamamahay mo, hindi maaring sabihin sa iyo ng kapulisan kung ano ang puwede at hindi mo puwedeng gawin maliban kung krimen ang gagawin mo. Walang batas na nilabag ang nagdidilig kahit wala itong suot na mask. Krimen lang ito sa labas ng bahay.
Ang pag-aresto sa residente, gaano man siya kabastos, ay hindi sana nangyari. Lalo nang hindi ito dapat idinaan sa dahas. Saan man matatagpuan, kesyo sa Bgy. Pasong Putik o sa Dasmariñas Village, nawa’y laging isaisip ng kapulisan ang training nila na ipatupad ang maximum tolerance. Dapat maghigpit sa panahon ng quarantine subalit hindi ito dahilan na makalimot sa katwiran.
- Latest