Terror pulis
Ganito ba ang maaasahan nating pagtrato ng pulis sa mamamayan kapag ipinatupad ang mala-martial law na lockdown na banta ni Pres. Duterte? Nakunan ng video ng isang residente ng Pacific Plaza Towers (PPT) sa Bonifacio Global City sa Taguig ang pagpasok at paninigaw ng naka-uniporme at armadong pulis sa mga residente na nagpapalipas ng oras sa tabi ng swimming pool ng residential building. Inuutusan sila na pumasok sa kanilang mga unit dahil sa enhanced community quarantine (ECQ). May mga bata sa grupong pinagsisigawan.
Ang tanong: Nasa lugar ba ang mga pulis na pumasok sa isang pribadong building nang walang awtoridad mula sa mga residente? Tama ba na may dalang mga armas ang mga pulis? Sino ang nagpapasok sa mga pulis sa building? Tama ba na manigaw ng mga residente?
Nang lumabas sa social media ang video, inamin ni Taguig Mayor Lino Cayetano, na may unit din pala sa PPT, na siya ang nagpatawag sa mga pulis para ipatupad ang ECQ. Ayon kay Cayetano, tatlong ulit na raw pinupuntahan ng pulis ang building at matitigas daw ang ulo ng mga residente. Residente rin daw ang mismong nagrereklamo na may mga pasaway sa building. Sabihin nang totoo ang paniniwala ni Cayetano, kailangan bang sigawan ang mga tao para pumasok sa loob?
Iimbestigahan daw ang insidente ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque. Sabi ni Roque, “Malinaw sa Saligang-Batas na ang karapatan ng ating mga kababayan na maging secure sa kanilang houses, places, and persons shall be inviolable. Hindi puwedeng malabag ‘yan kung walang utos ang korte at hukuman. Hindi puwedeng pumasok ang mga pulis sa mga private property kung wala silang nalalaman na nangyayari roon, kung hindi sila inimbita o kung wala silang search warrant.”
Malinaw na hindi puwedeng basta pumasok sa private property ang pulis. Kaya sino ang paniniwalaan ng tao, si Cayetano o si Roque?
Ito ang mahirap kung sakaling ipatupad ang mala-martial law na lockdown. Malalagay ang mamamayan sa kalituhan. Nakikita ko na ang mga pang-aabuso. Kahit sabihin ng Palasyo na rerespetuhin ng mga kinauukulan ang karapatang pantao e ngayon pa lang, umaabuso na.
- Latest