VIP muna? (Huling bahagi)
Dumating na ang 100,000 test kits mula China na ipa-mamahagi sa iba’t ibang subnational laboratories. Marami ang naghihintay, nakapila nang tama at maayos para magpa-testing. Baka sa linya pa nga lang ay naghahawaan na sila. Dapat lang sundan ang alituntunin: Ang isasailalim sa testing ay ang mga may malinaw na sintomas lang. Kaya nga may persons under monitoring (PUM) para bantayan na muna kung may lalabas na sintomas. Ilang daang doktor at nurses ang maaaring kinakailangang isailalim na sa testing, bakit hindi sila ang unahin? Sa ngayon, 803 na ang positibo sa virus. Pero hindi malalaman ng gobyerno ang hangganan ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa kung maraming magpapa-test na hindi naman pala kailangan.
Noong pumutok ang COVID-19, may 2,000 test kits lang daw ang DOH. Binatikos sila sa Senado. Siguro naman, pagkatapos ng napakasakit na karanasang ito na umabot na sa 636 ang may sakit, 84 ang bagong kaso, 38 ang patay at pati mga nurse at doktor, nababawian ng buhay, mas alam na dapat natin. Alam na dapat na malaki ang ilalaang pondo para sa kalusugan partikular sa mga ahensiyang tulad ng DOH, RITM at mga pampublikong ospital. Alam na mabilis kumalat ang virus at ang kaha-lagahan ng test kits. Alam nang isara ang ating borders kahit sa kinakaibigan nang hustong bansa.
Hindi imposible na magkakulangan ng mga supplies kapag ito ay lumaon pa. Pagkain, gamot, pang-araw araw na pangangailangan. Sarado ang mga pagawaan at mahirap ang pag-aangkat. Kung sa test kit pa lang, nanggugulang na ang mismong kinauukulan, saan tayo pupulutin na kanilang sakop?
- Latest