EDITORYAL - Hamon sa gov’t officials: Mag-commute rin kayo!
GRABE na ang dinaranas ng commuters na pahirapang pagsakay sa Metro Rail Transit (MRT), bus, jeepney at iba pang public utility vehicles. Kailangang pumila nang pagkahaba-haba para makasakay sa MRT. Araw-araw, nakikipagbalyahan ang commuters para makasakay sa bus at jeepney. At hindi sa pagsakay natatapos ang kalbaryo sapagkat kalaban din nila ang trapik. Araw-araw, ang walang katapusang trapik ang hinaharap ng commuters.
Nararanasan kaya ito ng government officials? Malamang ay hindi sapagkat lagi silang nakasakay sa mabibilis at malamig na SUV. Hindi nila mararamdaman ang hirap sapagkat hindi naman sila nagko-commute. Kailangang maranasan nila ito para malaman ang dinaranas ng mamamayan.
Dapat gayahin nila ang ginawa ni Atsuhiro Okamoto, president ng Toyota Motor Philippines noong nakaraang linggo na sinubukang sumakay sa mga pampublikong sasakyan at nilibot ang Metro Manila.
Sumakay si Okamoto sa jeepney at naranasan kung gaano kahirap sumakay sa jeepney lalo na kung rush hour. Sumakay rin siya sa traysikel at naranasan kung paano tumalbog-talbog ang sasakyang may tatlong gulong. Sinubukan niyang sumakay sa MRT at nakita niya ang haba ng mga pasahero na nagsisiksikan at nag-aagawan para makasakay at makaabot sa kanilang pupuntahan. Nakatayo si Okamoto at pinagmamasdan ang mga pasahero na napakaraming pinagdadaanang hirap bago makarating sa kanilang trabaho o kaya’y eskuwelahan.
Makaraang masakyan ang jeepney, traysikel at MRT, nadama na ni Okamoto ang hirap ng Pinoy commuters sa araw-araw na kanilang paglabas sa kalsada. Isang sakripisyo ang pagko-commute araw-araw at napatunayan ito ng Toyota president.
Mabuti pa si Okamoto at naranasan na ang pagko-commute gayung marami sa Cabinet ni President Duterte ang hindi pa ito nararanasan.
Tanging si Presidential Spokesman Salvador Panelo pa lamang ang nakakapag-commute sa jeepney. Ginawa niya ito noong nakaraang taon para patunayang walang krisis sa transportasyon.
Subukan ng Cabinet officials na sumakay sa mga pampublikong sasakyan para maranasan ang hirap at makagawa ng paraan kung paano mapapadali at mapapagaan ang pagbibiyahe ng araw-araw. I-challenge nila ang sarili para sa bayan.
- Latest