Pekeng manghuhula
(Huling bahagi)
MATAPOS itanggi ng mga akusado ang kanilang ginawa, nagtuloy ang paglilitis ng kaso. Iyon nga lang, sampung beses na hindi natuloy ang pagdinig dahil sa ginagawang pagdadahilan ni Ricardo o kaya ay ng kanyang abogado.
Napuno ang korte at itinuloy na ang pagdinig kahit pa may mosyon na naman sina Ricardo para hindi ito matuloy.
Napatunayan ng korte na nagkasala si Ricardo sa panloloko kay Anita para matagumpay na makuha sa biktima ang halagang P150.00 sa pamamagitan ng pagpapanggap na may kapangyarihan siya at hinatulan na lumabag sa batas (Art. 315, 4th paragraph, 2, a, Revised Penal Code).
At dahil hindi naman lumampas ng P200.00 ang perang sangkot, pinarusahan lang siya na makulong ng apat na buwan ng arresto mayor at inutusan na ibalik ang P150.00 kay Anita at kung hindi siya makapagbabayad, dadagdagan na lang ang itatagal niya sa kulungan. Kinatigan ng RTC ang hatol.
Umapela pa rin si Ricardo sa desisyon at kinatwiran na walang katibayan ang biktima na sinubukan muna niyang singilin ang akusado o kaya ay walang ebidensiyang ipinakita na wala siyang kakayahan na magbayad na kinukunsiderang importanteng elemento sa krimen ng estafa.
Tama ba si Ricardo?
Mali. Maraming paraan para gawin ang krimen ng estafa o panloloko. Sa kaso ni Ricardo ay kalaboso siya dahil sa ilalim ng Art. 315 (2-a) dahil sa pagpapanggap niya na may sapat siyang kapangyarihan o impluwensiya.
Ang mga binabanggit niyang elemento na siningil muna siya ng biktima at napatunayan na ayaw niya talagang magbayad ay nasa ibang parte ng batas, partikular sa Art. 315 (1-b) tungkol sa panloloko sa pamamagitan ng pagdispalko ng perang ipinagkatiwala ng ibang tao at may kaakibat na obligasyon na isoli/ibigay ito sa iba.
Kaya talagang walang lusot si Ricardo sa krimen ng estafa na kanyang kinasangkutan (People vs. Swame Scott, G. R. -43178, December 4, 1935).
- Latest