Sumasang-ayon sa pagbalik ng Dengvaxia
NAGDEKLARA na ng “National Dengue Epidemic” ang Department of Health (DOH). Nasa 622 na ang namatay mula Enero ng taon na ito. Higit 146,000 na ang kasong naitala. Higit 5,000 kaso sa isang linggo. Ito ang mga datos mula sa DOH na nagpapakitang seryoso na ang sitwasyon.
Halos 100 porsyento ang itinaas na bilang ng kaso kumpara sa nakaraang taon. Maaaring tumaas pa ang bilang ng mga kaso sa Oktubre sa kasagsagan ng tag-ulan. Kaya nagpahayag ng pagsang-ayon si Pres. Rodrigo Duterte sa pagbalik ng Dengvaxia sa bansa. Pag-aaralan nang husto ng administrasyon para hindi raw maulit ang mga nakaraang pagkakamali. Pero ano ang mga pagkakamaling iyan?
Ang Sanofi Pasteur ang maaaring sisihin dahil sa atrasadong babala nito hinggil sa tamang pagbigay ng Dengvaxia. Kung pinag-iisipang ibalik ang Dengvaxia sa bansa ay hindi ba’t ibig sabihin ay may tiwala sa bakuna? Aprubado na rin sa US ang Dengvaxia basta’t sumunod sa mga patakaran bago ibigay sa pasyente. Mahigpit lang at kailangan ng laboratory test para malaman kung may kasaysayan ng dating impeksyon na dengue.
Maganda naman ang naging intensiyon ng nakaraang administrasyon dahil hindi pa naman alam ang tamang kundisyon bago ibigay. Laganap din ang dengue noong mga panahong iyon. Naniniwala ako na malaking porsyento ng higit 800,000 mag-aaral na nabigyan ng Dengvaxia ang may proteksiyon na mula sa dengue. Mas maganda kung masusunod ang pagbigay ng pangalawa at pangatlong bakuna para kumpleto ang proteksiyon.
Kung ibabalik ang Dengvaxia, sana mawala na rin ang pangamba sa lahat ng bakuna. Bumaba ang bilang ng mga nagpapabakuna dahil sa takot na bunsod ng imbestigasyon sa Dengvaxia kung saan sinisi ang bakuna sa pagkamatay ng ilang nakatanggap nito. Nagkaroon din ng laganap na kaso ng tigdas. Maraming sakit ang maaaring miwasan sa tamang pagbabakuna. Sa panahon ngayon, dengue ang kailangang masugpo at matigil na ang pagkalat.
- Latest