EDITORYAL - Dami pa ring nabubuhay sa karimlan

NOON pa man, mayroong batas na nag-aatas na malagyan ng ilaw ang lahat ng barangay sa buong bansa. Pero nakalulungkot na hindi naipatutupad ang batas sa electrification sapagkat hanggang sa kasalukuyan, 13 milyong Pinoy pa rin ang nananatiling nabubuhay sa karimlan. Hanggang ngayon, hindi pa sila nakakatikim na mailawan. Hanggang sa kasalukuyan, marami pa rin ang gumagamit ng gasera. Walang ipinagkaiba sa buhay noong unang panahon. Habang marami nang bansa ang advanced ang teknolohiya, marami pa palang barangay sa Pilipinas ang nananatiling madilim dahil hindi pa naaabot ng kuryente. Nakakalungkot na nauna pang makarating ang illegal drugs sa mga liblib na lugar.
Ayon kay Rep. Mikee Romero, ng 1-Pacman party-list, sa kabila umano ng pagsisikap ng rural electric cooperatives at ng National Electrification Administration na mabigyan ng kuryente at ilaw ang mga nasa liblib na barangay sa bansa, marami pa rin ang hanggang ngayon ay hindi pa naaabot. Nasa 19,000 barangays umano ang hindi pa naaabot ng kuryente at nananatiling madilim ang kanayunan.
Ayon kay Romero, may naka-allocate na P5-bilyon para sa electrification ng mga barangay at para sa kanya, hindi ito sapat. Dahil sa kawalan ng kuryente, marami pa ring kawawang mamamayan ang patuloy na gumagamit ng kerosene, papel at kahoy para mailawan ang kani-kanilang tahanan. Mas mahirap para sa mga estudyante sapagkat paano sila makapag-aaral kung walang maayos na ilaw. Hiling ni Romero na madagdagan ang allocation ng hanggang P25 billion para mapagsilbihan ang mga tao sa 19,000 barangays.
Marami na ang nagbago sa mundo. Uso na ang computer, internet, gadgets at kung anu-ano pang imbensiyon, pero nakapagtatakang marami pa ring Pinoy ang nabubuhay sa karimlan. Dapat mawakasan na ang kanilang pagtitiis. Maaari naman ito. Makita sana ng kasalukuyang administrasyon ang pangangailangan ng mga nasa liblib. Bigyan sila ng ilaw para lumiwanag ang buhay.
- Latest
















