Saludo ang BITAG sa inyo!
ISANDAANG porsiyento ng mga taong dumadagsa sa BITAG Action Center araw-araw, nagrereklamo’t nagsusumbong para sa kanilang mga personal na sitwasyon. Once in a blue moon lang ang mga tinatawag na Good Samaritan, humihingi ng tulong para sa mga taong hindi niya kaanu-ano, ni hindi kakilala.
Itong isang community worker ng Imus, Cavite na nagngangalang Melani Cervantes, kahanga-hanga ang ginawa. Inihihingi niya ng tulong sa BITAG na matubos at maipalibing ang bangkay na natagpuan sa isang subdivision sa Cavite. Kuwento niya, wala raw ID o anumang pagkakakilanlan ang lalaki. Mukhang napagtripan daw ito dahil basta na lamang itinapon sa labas ng subdivision. Nadala pa raw niya ito sa ospital ngunit hindi na rin nakaligtas.
Sa pamamagitan ng social media, nakilala ni Melani ang kapatid ng biktima. Tulad ni Melani, wala ring kakayahang pinansiyal ang kamag-anak ng biktima na ipalibing ito. Naembargo sa punerarya ang bangkay dahil may bayarin pa sa ospital at punerarya na dapat ayusin.
Nagpapasalamat ako dahil ang BITAG ang napiling tunguhin ni Melani at kapatid ng biktima upang humingi ng ayuda. Sa kagandahang loob ng mabuting samaritano, ora mismong kumilos ang BITAG. Ang mabuting gawa ay namumunga ng magandang resulta, tatlong lokal na pamahalaan ang nagtulung-tulong para matubos ang bangkay at maipalibing. Maraming salamat sa ora mismong tugon ng munisipyo ng Imus at Bacoor, Cavite gayundin ng Sta. Rosa, Laguna.
Iilan na lang ang mga tulad ni Melani, salat din sa buhay subalit sagana ang hangad na makatulong sa kapwa, walang iniisip at inaantay na kapalit. Mga taong handang tumulong ng higit pa sa inaasahan lalo na sa mga taong kung tutuusin ay estranghero pa sa kanilang bayan. Kung matindi kaming mambrusko sa mga kolokoy, kumag at kenkoy, buong pagmamalaki akong sumasaludo sa mga katulad ni Melani Cervantes. Gayundin sa lokal na pamahalaan ng Imus at Bacoor Cavite at Sta. Rosa Laguna, walang kiyeme, walang paimportante, walang chechebureche na tumulong sa nangangailangan.
Saludo ang BITAG sa mga kagaya n’yo!
- Latest