Walang reklamo kung walang manloloko
ANG manggagantso, bali-baliktarin mo man ang mundo, gumamit man ng milyong rason para lusutan ang gusot, mapanlamang pa din. Kung minsan, kailangang daanin sa gulpi de gulat para mahimasmasan sa kanyang baluktot na katwiran.
Bukod sa mga manggagawa, mataas na porsiyento rin ng mga sumbong na dumarating sa BITAG Action Center ay mula sa mga contractor. Mga serbisyong kinontrata subalit matapos ang proyekto ay hindi na binayaran ng kanilang mga kliyente. Kung ‘yung mga may kontrata, naloloko na ng kanilang mga kliyente lalo pa ‘yung tiwala lang ang naging puhunan. Ginantso big time!
Ayon sa mga comment sa istoryang ito na naka-upload sa Bitag Official YouTube TV channel, ganito ang ginawa ng Gap Petroleum. Matapos makumpleto ng kinuhang kontraktor ang 16-ft gas storage tank, utay-utay lamang itong nababayaran. Minadali ang mga trabahador na matapos ang proyekto pero kung magbayad, mas mabagal pa kay Pong Pagong. Katwiran niya, wala naman daw lisensiya ang mga welder ng kontractor, may usapan pero walang kontrata na one year ang retention ng mga tangke.
Kumbaga hindi binabayaran ang mga pobre dahil baka may magreklamo sa mga kliyente ng Gap Petroleum. Kita mo gaano kaswitik ng hinayupak, porke’t walang lisensiya ang mga welder at walang kontrata ay puwede nang lamangan ang iyong kontraktor? In fairness naman dito sa kompanyang ito, kumpleto ng lisensiya’t maayos namang nagbabayad ng buwis. Nilamangan lang talaga ‘yung mga taong kaya niya na mas mababa sa kanila.
Yun nga lang, dahil may diarrhea sa bibig itong may-ari ng Gap Petroleum, siya mismo ang naglagay sa alanganin sa kanyang kompanya. Panoorin n’yo na lang sa YouTube TV channel ng BITAG kung bakit.
Isang babaeng striker namin sa BITAG ang kanyang kaharap, ‘di na umubra. Ayaw magpa-camera ng kolokoy, kung ako lang, pagbibigyan ko ang hiling niya. Papatayan ko ng camera pero ibang estilo ang magiging usapan.
Hindi layunin ng BITAG na manira ng negosyo, lalong hindi namin gusto ng gulo. ‘Yung mga hulog na kasi sa BITAG tapos lumulusot pa, sila mismo ang nagpapalaki ng isyu. Walang magrereklamo kung walang manloloko. Walang hambalos, walang gulo, walang awayan kung gustong plantsahin agad ang gusot.
O Gap Petroleum, hindi pa tapos ang reklamong ito. Hangga’t hindi naibabalik ang tama sa mga nagrereklamo, nakatutok kami sa BITAG.
- Latest