Employer na di nagbabayad ng SSS, kuwidaw na kayo!
HINDI ko maisip kung saan kumukuha ng kapal ng mukha itong mga kolokoy na employer na lumalabag sa mandato ng gobyerno. Benepisyo ng kanilang mga empleyado, hindi man lang maasikaso o talagang sadyang hindi inaasikaso.
Karamihan pa man din sa ating mga manggagawang kontraktuwal ay na-aaksidente sa trabaho. Nakakaawa lalo kung mawawalan pa ng parte ng katawan at hindi na mababalik sa normal ang buhay ng mga ito.
Kamakailan, isang production helper sa isang planta ng yelo sa Mandaluyong City ang lumapit sa BITAG Action Center. Mag-iisang buwan palang kasi siya sa trabaho nang maputulan ng mga daliri at nang makalabas sa ospital ay binalewala na siya ng kanyang employer.
Nangyari ang aksidente noong Nobyembre 19, 2018 matapos kainin ng panggiling ng yelo ang hawak niyang sako. Dahil dito, naputulan siya ng apat na daliri sa kaliwang kamay.
Sinagot naman ng kompanya ang kanyang hospital bill at mga gamot pero matapos makalabas ng ospital ay pinabayaan na lang ang pobre na parang abandunadong tuta.
Hiling ng pobre na makakuha ng kaunting ayuda mula sa SSS at makabalik sa trabaho. Ang problema, itong kolokoy na Powerlane Resources Inc. ay hindi pala hinuhulugan ang kanyang contribution at ayaw na siyang pabalikin.
Magnegosyo na lang daw pero hindi naman nagbigay ng kapital sa pobre. E kung ipukpok ko kaya ‘yung yelo sa mga ulo n’yo?!
Buti na lang at may makukuhang employee’s compensation mula sa SSS ang pobre sa loob ng tatlong taon para sa mga daliri niyang naputol.
Malas lang ng mga kolokoy na employer, tulad nitong Powerlane Resources Inc., na hindi sumusunod sa mandato ng gobyerno na hulugan ang contribution ng mga empleyado. Siguradong magkakalansingan ang inyong mga bombolyas sa matatanggap n’yong parusa. It’s payback time!
Ayon kay Ms. Lilibeth Suralvo, Senior Communication Analyst ng Social Security System (SSS), tumataginting na P74,000 ang multa at kung hindi magbabayad ay posible pang makulong ng ilang taon ang employer.
Himas-rehas kayo ngayon, mga damuho dahil isa itong criminal act, paglabag sa Republic Act 8282!
Hindi na kayo naawa sa mga trabahador n’yong nagpapakahirap. Benepisyo na nga lang nila ang aasikasuhin niyo, ‘di n’yo pa magawa. ‘Yan ang pagkukunan nila kung sakaling may mangyaring aksidente.
Mga boss, kung may employer kayong hindi hinuhulugan ang inyong benepisyo, mag-file na ng pormal na reklamo laban sa kanila. Panahon na para turuan ng leksiyon ang mga hindi sumusunod sa mandato ng gobyerno!
- Latest