Sobrang kumplikado?
Sunud-sunod ang pagkilos ng mga airline ng maraming bansa na hindi na muna payagang lumipad ang kani-kanilang Boeing 737 MAX 8 na eroplano, matapos bumagsak ang dalawa nito sa loob ng nakaraang limang buwan, habang ang isa ay napilitang lumapag matapos magkaroon ng problema ang isang makina. Higit tatlongdaang pasahero at tauhan ang namatay sa pagbagsak ng Lion Air sa Indonesia, at Ethiopian Airlines sa Addis Ababa, Ethiopia. Iniimbestigahan ngayon ng mga kaukulang opisyal kung ano ang sanhi ng pagbagsak, at kung may kaugnayan ang dalawang aksidente. Isang bagong sistemang ginagamit sa naturang eroplano ang pinupuntirya.
Batay sa website ng dalawang pangunahing airline sa bansa, hindi sila gumagamit ng Boeing 737 MAX. Ito nga ang una kong tiningnan, kung gumagamit din sila ng naturang eroplano. Matagal nang panahon ang lumipas nang magkaroon ng ganitong sitwasyon kung saan isang uri ng eroplano ang hindi na muna pinayagang paliparin, dahil sa magkasunod na pagbagsak. Sa panahon ngayon ng modernong teknolohiya, mahirap isipin na may ganito pang mangyayari. Sa dalawang aksidente, may teknolohiya ang nasabing eroplano na sinisiyasat nang mabuti ng mga imbestigador. Sa rami na ng mga disenyo at teknolohiyang ginagamit na sa modermong eroplano, may mga iba pang dinadagdag. May nagsabi nga sa akin na sa sobrang kumplikado ng mga sistema sa eroplano, baka isang maliit na sira o pagkakamali ay malaki na kaagad ang epekto sa eroplano.
Sa kasaysayan ng industriya ng pampasaherong eroplano, ang kaligtasan ng ganitong uri ng pagbiyahe ay dahil din sa mga natutunan sa mga nagaganap na aksidente. Bawat imbestigasyon ay nagreresulta sa pagbago ng disenyo, pagbago ng pag-aalaga ng eroplano, pati mga kailangang gawin o huwag gawin ng mga piloto. Sana ay ganito rin ang maging bunga ng imbestigasyon nito.
- Latest