^

PSN Opinyon

Malas daw kaya sinibak sa trabaho

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

(Unang bahagi)

SA ilalim ng ating Saligang Batas (Section 18, Art. II) at ng Labor Code (Article 3), ginagarantiya ang seguridad sa trabaho ng mga manggagawa. Puwede lang tanggalin sa trabaho ang isang trabahador kung may tamang dahilan at may sapat na ebidensiya pero dapat dumaan muna ito sa proseso. Sino ang dapat magpatunay na may sapat na basehan ang pagtanggal sa empleyado? Kung responsibilidad ng kanyang amo na patunayan ito at hindi niya nagawa, masasabi pa rin ba na legal ang pagkatanggal ng isang empleyado sa trabaho? Ano ang mga batayan para maging tama ang pagtatanggal sa trabaho ng isang empleyado? Ang mga tanong na ito ang sasagutin sa ating kaso.

Ang kasong ito ay tungkol kay April. Nag-umpisa siyang magtrabaho bilang personal assistant at interpreter ni Mr. Lim, ang may-ari at manedyer ng Serenity Spa Center. Isang buwan matapos pumasok sa trabaho ay itinaas na ang kanyang ranggo at naging Administrative manager na. Dahil ito sa mga positibong pagbabago na ginawa niya na siyang nagpalakas ng kita ng spa.

Nakapagtrabaho na si April sa loob ng mahigit apat na buwan nang utusan siyang magbakasyon ng isang buwan na walang suweldo. Nang bumalik siya sa trabaho ay kinausap naman siya nina Mr. at Mrs. Lim na kusang magbitiw na lang pero ayaw pumayag ni April. Kaya sinabihan siya na hindi na niya puwedeng ituloy ang trabaho sa spa. Noong hapon din na iyon ay pumunta sa NLRC si April at nagsampa ng reklamo laban kay Mr. Lim at sa Serenity Spa.

Ayon kay April ay kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa ibang spa nang makilala si Mr. Lim na isang customer doon. Malaki raw ang suweldo niya at maayos ang trabaho. Katunayan ay pitong taon na siya sa pinapasukan. Pero hinikayat siya ni Mr. Lim na umalis sa trabaho at lumipat sa tinatayo nitong spa. Kinulit daw siya at inalok ng mas malaking suweldo kaya siya umalis at lumipat sa Serenity.

Dagdag pa ni April na kaya siya pinagbakasyon noon dahil naglilibot sa paligid ng opisina si Mr. Lim at ang isang Feng shui master. Pagbalik daw niya sa trabaho ay sinabi ng nasabing Feng shui master na hindi magka­tugma ang aura nila ni Mr. Lim kaya siya pinagbibitiw at bandang huli ay sinibak sa puwesto.                                  (Itutuloy)

SALIGANG BATAS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with