Pansamantagalan
ANG martial law ayon sa Konstitusyon ay pansamantalang paraan lamang para pigilin ang alin mang bantang rebelyon o insureksyon sa bansa. Hindi ito permanenteng ipinatutupad dahil kapag napawi na ang banta, dapat nang alisin ito.
Ngunit ang batas ay puwedeng ibahin ang kahulugan ng isang leader na ibig makapamuno sa matagal na panahon. Nangyari iyan noong panahon ni Marcos. Binuwag ang Kongreso at humirang ng mga opisyal na kayang kontrolin ng Pangulo para pamunuan ang mga pangunahing institusyon sa bansa.
Everything was controlled by Marcos ang he reigned for 20 years hanggang buwagin ang kanyang diktadurya ng isang mapayapang rebolusyon ng taumbayan.
Ngayon, may martial law sa Mindanao bunsod ng pananalakay ng mga Maute terrorists sa Marawi. Sa ikatlong pagkakataon, pinalawig ito ng Pangulo na pinagtibay ng Kongreso. May mga nagpetisyon sa Korte Suprema laban sa extension na ito.
Ngunit bigo ang mga tutol sa martial law dahil kinatigan ito ng Kataas-taasang Hukuman kaya mananatili ang martial law hanggang sa Disyembre 31 ng taong ito.
Hindi na ito pansamantalang remedyo kundi “pansamantagalan.” Kapat pinalawig pa ito nang lampas sa taong ito, mukhang may nakatakdang kakaibang mangyayari. It seems history will repeat itself, gaya ng sinasabi ng lumang kawikaan.
Tumutol man tayo, tila tayo sumusuntok sa buwan. Pero hindi nangangahulugan na dapat na lang tayong manahimik sa kabila ng mga nangyayaring ito. Iyan ang diwa ng demokrasya na hindi dapat maglaho.
- Latest