Sampung kondisyones para umalsa ang masa

ISA si retiradong Air Force colonel Hector Tarrazona sa mga nagtatag ng Reform-the-AFP Movement nu’ng 1985. Kinumbinsi niya si Col. Antonio Sotelo, hepe ng 15th Strike Wing, na kumampi sa mga rebeldeng sundalo nu’ng 1986 EDSA People Power Revolt. Inatasan ni noo’y AFP vice chief Fidel Ramos si Sotelo na i-missile ang parking lot ng Malacañang. Nayanig si President Ferdinand Marcos Sr. at nag-alsa-balutan.
Matagal nang retirado si Tarrazona, 80. Pero nagsusulong pa rin ng reporma sa lipunan. Imbis na armas, dalawa ang sandata niya: pananalig sa Diyos at tapang sa pagsiwalat ng katotohanan.
Lumiham siya kamakailan kay President Bongbong Marcos Jr. Sa open letter sinabi niya na aalsa ang taumbayan kapag mangyari ang isa o kombinasyon ng mga ito:
(1) Mabangkarote ang gobyerno;
(2) Kapusin ang kuryente at magka-malawakang blackouts;
(3) Hindi malunasan ang katiwalian at “legal” na pandarambong;
(4) Patuloy na dayain ang mga halalan;
(5) Kawalan ng parusa;
(6) Kawalan o “nilulutong” katarungan;
(7) Kumolapso ang ekonomiya;
(8) Lumala ang karalitaan;
(9) Sakalin ang kalayaan at karapatan;
(10) May lumitaw na malakas na lider.
Nagtatag si Tarrazona ng Love Movement Philippines. Binubuo ito ng mga retiradong heneral at kolonel ng AFP at PNP. At mga makabayang negosyante, propesyonal, intelektwal, at pinuno ng NGOs.
Na kay BBM na ngayon ku’ng diringgin o hindi ang babala.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest


















