Maguindanao: Justice over-delayed
MALAPIT na raw ibaba ang hatol sa mga politikong kasangkot sa malagim na Maguindanao Massacre na naganap siyam na taon na ang nakalilipas. Halos isang dekada nang napakakupad ng usad ng kasong ito. Hindi lang justice delayed kundi over-delayed.
Hangga ngayon, naghihintay pa rin sa mailap na katarungan ang inulilang pamilya ng may 58-katao na karamihan ay mga mamamahayag. Itinuturing itong pinakamalubhang naganap na media killing hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig. Angkan ng mga impluwensyal na political clan na Ampatuan ang mga sangkot dito. Mayaman. Maimpluwensya. Panahon pa ni President Gloria Arroyo nangyari ito. Natapos ang termino ng sumunod na Pangulong si Noynoy Aquino na walang indikasyong mahahatulan na ang mga nagkasala. Ngayon, sinisiguro ng administrasyong Duterte na makakamit na ang hustisya sa malagim at karumaldumal na krimeng ito. Hindi na marahil dapat idetalye kung paano ginawa ang kabuktutang ito dahil batid na ng lahat.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, abot-kamay na ang hustisya. Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) sa pamamagitan ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director Joel Sy Egco na mismong si Andal ‘Unsay’ Ampatuan Jr., pangunahing suspek sa masaker na ang humiling sa korte noong Nobyembre 5 na desisyunan na ang kaso.
Idalangin natin na sana, mailapat ang hustisya upang ang mga tunay na nagkasala ay maparusahan nang pinakamabigat na parusang itinatakda ng batas. Harinawang huwag tumukoy ng mga mitigating circumstances para lumamya ang ipapataw na hatol sa tunay na nagkasala dahil saan mang anggulo isipin, walang kapantay sa kabuktutan ang krimeng ito nang maramihang pagpatay sa mga inosenteng tao na kumokober lang para makakuha ng balita.
- Latest