EDITORYAL - Itigil muna ang quarrying
UMABOT na sa mahigit 70 ang namatay sa pagguho ng bundok sa Naga City, Cebu. Tinabunan ang mga kabahayan na nasa paanan nito. Nangyari ang insidente noong Setyembre 25. Marami pa umano ang hindi nakikita. Naganap ang trahedya, limang araw makaraang gumuho rin ang bundok na minimina sa Itogon, Benguet na ikinamatay ng 50 katao. Ang malakas na ulan na dulot ng Bagyong Ompong ang nagpahina at nagpaguho sa lupa. Natabunan ang mga bahay ng minero sa ibaba ng bundok habang nasa loob ang mga ito kasama ang pamilya. Illegal mining ang dahilan sa pagguho.
Kung sa Itogon ay illegal na pagmimina ang dahilan, quarrying naman ang itinuturong dahilan sa pagguho ng bundok sa Naga. Isang malaking kompanya umano ang nagku-quarry sa lugar at maaaring ito ang dahilan kaya nagkaroon ng landslides. Humina ang lupa at gumuho. Nakadagdag pa sa paghina ng lupa ang walang tigil na pag-ulan. Maraming residente sa lugar na ang pagku-quarry ang numero unong dahilan kaya naganap ang insidente.
Pero nakahanap naman ng tagapagtanggol ang kompanyang nagku-quarry sapagkat mismong si DENR Sec. Roy Cimatu ang nagsabi na duda siya na ang pagku-quarry ang dahilan ng landslides. Matagal na umano ang quarry site at mas nauna pa kaysa sa mga kabahayang natabunan. Hindi raw dapat tuwirang tukuyin na ang pagku-quarry ang dahilan kaya nagkaroon ng pagguho.
Ganunman, nakasuspende pa rin ang quarrying operations sa Naga City habang nagsasagawa pa ng assessment ang Mines and Geosciences Bureau sa lugar. Una nang sinabi ng MGB na pinagbawalan na nila ang mga naninirahan sa lugar na maaaring magkaroon ng pagguho at alam din ito ng local government unit doon.
Marami naman ang nakikiusap na payagan nang makapag-operate ang mga nagku-quarry sapagkat maaring magmahal ang construction supply kapag tumigil ang mga ito. Pangunahing produkto sa quarrying ang semento at mga graba.
Itigil muna ang quarrying sa Naga at iba pang lugar na posibleng may banta nang pagguho ng lupa. Magkaroon nang malalimang imbestigasyon. Kailangang malaman kung nagkaroon ng kapabayaan.
- Latest