^

PSN Opinyon

Wala raw

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

HINDI na bago ang tinatawag na “historical revisionism” kung saan may mga kumokontra sa tanggap na kasaysayan. Isang magandang halimbawa nito ay ang Holocaust, o ang malawakang pagpatay ni Adolf Hitler sa mga Hudyo noong World War 2. Sa kabila ng mga ebidensiya – mga kampo ng kamatayan, mga dokumento na galing pa mismo sa Nazi Germany, mga litrato, mga pelikula at mga testigo – may mga may lakas pa ng loob na magpahayag na hindi naman daw naganap ang Holocaust, at inilikha lamang umano ng mga Hudyo para mapasama si Hitler at Germans. Nakapagtataka talaga kung paano nasasabi nila iyan, at may mga naniniwala.

Isa pa ay ang unang paglapag ng tao sa buwan. May mga nagsasabing hindi naman talaga sa buwan lumapag ang Apollo 11 kundi sa isang entablado lamang na inayos para magmukhang sa buwan nga lumapag. Ganundin, may mga naniniwala na peke nga ang unang paglapag sa buwan, para lang daw masabi na naunahan ng US ang mga Ruso. At ngayon, ang kasaysayan naman ng Pilipinas ang nais baguhin ng ilang tao.

Ayon kay Juan Ponce Enrile – kilala ng lahat kung sino siya – wala raw inaresto o pinatay noong administrasyon ni Marcos, partikular noong martial law, dahil sa kanilang pulitikal o relihiyosong paniniwala. Wala raw. Ito ang kanyang pahayag sa panayam kay Bongbong Marcos – kilala rin ng lahat kung sino siya. At dahil sa kanyang pahayag na iyan, marami ang umalma, iba kalmado, mas maraming galit, sa tila pagbabago ni Enrile ng madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Taas-kilay nga na sa anak pa ni Marcos na kinontra at nilaglag ni Enrile noong 1986 pa ipinahayag. Ito ba ang pamamaraan ng paghingi ng dispensa para sa ginawa noong 1986?

Hindi ba alam ni Enrile na marami pang buhay na naging biktima ng mapang-aping rehimen ni Marcos? Mga inaresto, mga ikinulong, mga labis na pinahirapan dahil kumontra kay Marcos? Hindi ba alam ni Enrile na maraming kamag-anak ng mga dinampot at nawala na lang ang hindi pa nakakalimot? Paano niya nasasabi ang mga pahayag na ito na hindi kumukurap ang mata? Dahil ba usung-uso ngayon ang fake news? O ika nga ni dating Senate President Nene Pimentel, dahil sa edad? Mapapailing ka na lang talaga. Hindi dapat malinlang ang taumbayan, lalo na mga kabataan, sa mga pahayag na ito na walang batayan, at ginagawa lang para baguhin ang kasaysayan na pabor sa kanila.

HISTORICAL REVISIONISM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with