EDITORYAL - Suporta sa mga babaing atleta
TATLONG gold na ang nakuha ng Pilipinas sa idinaraos na 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia at ang mga ito ay nakuha ng mga Pinay na atleta. Yes, gumawa nang husto sina Hidilyn Diaz, Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go para makakuha ng ginto. Si Diaz ay nagpakitang gilas sa weightlifting na dati na rin niyang ginawa sa 2016 Rio de Janiero Olympics kung saan nakakuha siya ng silver. Si Saso ay nakakuha ng gold sa individual golf samantalang sina Pagdanganan at Go ay sa woman’s golf team.
Hindi matatawaran ang kakayahan ng mga Pinay na atleta na nagbigay karangalan sa bansa. Ang ipinakita nilang husay sa kanilang larangan ay dapat namang magbukas ng isipan sa mga sports official para bigyan ng suporta ang mga babaing atleta. Kung mabibigyan sila ng sapat na suporta, maraming karangalan silang maibibigay sa bansa. Kung mabubuhusan ng tulong, tiyak na aani ng tagumpay at maaaring higitan pa ang mga kalalakihan.
Halimbawa na lamang ay si Hidilyn na noong una ay nagsanay lamang umano sa isang simpleng gym sa kanilang probinsiya. Kung ang iba pang katulad ni Hidilyn na may angking kakayahan sa weightlifting ay mabibigyan ng suporta sa kanilang training, tiyak na aangat ang bansa at magkakamal ng ginto. Mayroon palang ibubuga sa larangan ng weightlifting ang mga Pinay kaya ito ang dapat pagtuunan ng pansin. Marami rin ang may angking husay sa golf kaya suportahan ang mga atleta para rito.
Bago pa ang pagsisimula ng Asian Games, matunog na ang magbibigay ng karangalan sa bansa ay ang men’s basketball team. Pero hindi umubra ang mga Pinoy sa mga matatangkad na Chinese at maski sa Korean team.
Kung nagagawang buhusan ng suporta ang basketball, bakit hindi ang ibang sports na tiyak na magbibigay ng ginto sa bansa. Mas pagtuunan ng pansin ang sports na kayang ipanalo ng mga Pilipino. Maraming sports para sa kakayahan ng mga Pinoy. Huwag ipagpilitan ang hindi naman kaya para hindi masayang ang pera at panahon.
Related video:
- Latest