Gawa, hindi ngawa!
GAWA, hindi ngawa! Ganito kami sa BITAG. Estilo na namin ito mula noon at ipinagpapatuloy namin hanggang sa kasalukuyan. Kapag nakita naming may malinaw na ‘inhustisya’, agad naming pinanghihimasukan.
Naalala niyo pa ba ang kuwento ni Aling Geneva? Isang huwarang ina na pilit binubuhay ang mga anak at pamilya sa pamamagitan ng paglalako ng kakanin at kung anu-anong ulam. Sa pamamagitan lang ng pagtitinda napag-aaral niya ang kanyang apat na anak at natutustusan ang pang araw-araw na pangangailangan.
‘Yun nga lang nagkaroon ng problema. Dahil noong araw na magsasanla siya ng gamit sa isang kakilala, nadamay siya sa isinagawang raid ng pulisya. Napagkamalang nagsusugal at binitbit sa presinto.
Pero tila may malaking problema! Na-inquest si Aling Geneva nang walang tumatayong representante ng PAO. Nahuli ng May 15 at na-inquest ng June 1. Hindi ito maipaliwanag ng mga loko-lokong hepe ng pulis ng QCPD Station 5. May bayag pang sabihin ang station commander, na “kung may pagkukulang man, pananagutan namin.” Pendehong hepe ka talaga!
Ang nakapagtataka, kung sino man ang kolokoy na inquesting fiscal, hindi man lang tinanong at sinuri kung may abogado si Aling Geneva. Pati ang diperensiya sa araw ng pagkakahuli at pag-inquest sa biktima, pinalagpas niya.
Dahil sa kapalpakang ito ng pulis at piskalya, nanghimasok na ang BITAG. Agad kaming nag-imbestiga at inalam ang ugat ng problema. Para makalabas ng kulungan ang inosenteng ginang, kinakailangan niyang maglabas ng 30K pampiyansa.
Sa pakikipagtulungan ng BITAG-KP sa PAO, nakapagrequest kami ng motion to reduce bail hanggang 50 porsyento. Lintik nga lang na judge ng Metropolitan Trial Court Branch 31, naka-leave daw! Kaya ang request hindi mapirmahan at maaprubahan.
Dahil ayaw na naming patulugin pa ng isang araw sa piitan ang pobreng biktima, agad kaming gumawa ng paraan. Mabuti na lamang at may isang sponsor na nag-magandang loob tumulong. Kaya naman noong Lunes ay agad na nakalaya si Aling Geneva.
Sa aking panayam sa kaniya, doon namin nalaman na mayroon din pala siyang malubhang sakit na iniinda. Kung mayroon mang salitang malas, ang sinapit ni Aling Geneva na siguro ang kahulugan nito.
Pero di pa natatapos dito ang kuwento. Kayong mga palpak na lespu at judge, humanda kayo! Di kami titigil hangga’t hindi kayo napapanagot sa kasalanang ginawa niyo. Taga niyo ‘yan sa bato!
Defend the weak and the fatherless; uphold the cause of the poor and the oppressed. Rescue the weak and the needy; deliver them from the hand of the wicked. --Psalm 82:3-4
- Latest