Labag sa batas nila
PINATALSIK ng Kuwait si Amb. Renato Villa. Pinauuwi na rin ng Kuwait ang kanilang ambassador dito. Mukhang hindi talaga nagustuhan ng Kuwait ang ginawang pagsagip sa OFWs mula sa kanilang pinapasukan. May video na ipinagmalaki pa sa social media ng isang kilalang taga-suporta ni Pres. Rodrigo Duterte. Kaya kumalat at umabot sa mga opisyal sa Kuwait.
Inakusahan ng mga opisyal ng Kuwait ang mga empleyado ng embahada ng Pilipinas ng mga aksiyon na labag sa batas ng kanilang bansa. Ayon sa video, niligtas ng mga taga-Philippine Embassy ang ilang Pilipino, mula sa mga abusadong amo. Pero lumabas na hindi nakipag-ugnayan ang mga taga-embahada sa mga opisyal ng Kuwait. Pumasok ang isyu nang paglabag ng mga Pilipino sa soberenya at batas ng Kuwait.
Akala noong una ay naayos na ang gusot. Natural na ipinagmalaki ang pag-ayos ng relasyon ng dalawang bansa. Magkakaroon nga ng lagdaan ng kasunduan para sa proteksyon ng mga OFW. Pero kabaliktaran ang nangyari. Mukhang marami sa Kuwait ang hindi nagustuhan ang nangyaring paglabag sa kanilang batas, pati ang hindi pagkilos ng gobyerno sa ginawa ng mga empleyado ng embahada. Kahit may pagkakaintindihan na ang ambassador ng Kuwait at mga opisyal natin, walang magagawa ang ambassador kung may ganyang utos sa kanya, pati na rin ang ginawa kay Ambassador Villa.
Hindi na raw matutuloy ang lagdaan ng kasunduan na magbibigay proteksyon sana sa ating mga OFW sa Kuwait, pati na rin ang pagbawi ng gobyerno sa “ban” ng mga kasambahay na magtrabaho roon. Hindi rin alam kung ano ang mangyayari sa libu-libong Pilipinong nagtatrabaho pa roon. Hindi naman lahat ay kailangang maligtas mula sa kanilang amo. Pero dahil sa gusot na ito sa pagitan ng dalawang bansa, baka magbago lahat iyan. May plano na raw ang gobyerno kung kakailanganing iuwi silang lahat. Daing ng administrasyon, hindi naman ito ang naging basa nila sa Kuwait, nang i-klaro ang insidente. Baka ganyan din ang pakiramdam ni Sr. Patricia Fox, na binigyan ng 30 araw para umalis ng bansa kahit halos tatlong dekada nang naninilbihan sa bansa. Hindi ba paglabag sa soberenya rin ang isyu sa kanya?
- Latest