Ang rebelyong komunista
AYON kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi matutuldukan ang problema sa rebelyon ng mga komunista sa loob ng isang taong extension ng martial Law sa Mindanao. Ang masasabi ko, hangga’t umiiral ang kahirapan, laging nakasungaw ang ulo ng pangit na halimaw na kung tawagin ay rebelyon.
At naniniwala rin ako na hindi purong karahasan ang puwedeng tumapos sa problema ng terorismo. Nasabi ko iyan dahil opisyal nang idineklara ng Pangulo na mga terorista ang mga rebeldeng komunista.
Ang New People’s Army ang armed wing ng Communist Party of the Philippines. Sila ay kasama sa mga target ng pagpapalawig pa ng isang taon sa umiiral na martial law sa Mindanao Region. Ibinasura na rin ang peace talks sa grupong ito dahil sa paglabag nila sa mga kasunduang magkaroon ng tigil-putukan habang gumagawa ng peace negotiations. Ang malaking bilang ng NPA terrorists ay namumugad sa Davao-Compostela Valley gayundin sa CARAGA.
Tila ang ibig mangyari ngayon ng ating military ay durugin ang puwersa ng mga rebeldeng komunista. Sa ganang akin, ituring na lang na common bandits ang mga rebeldeng ito. Manatili sa defense posture ang ating militar at pigilin ang patuloy na paghahasik ng karahasan ng mga rebeldeng ito.
Ngunit kasabay niyan, gaya ng madalas kong sabihin, buksan ng pamahalaan ang pintuan sa mga ibig sumuko at magbagong buhay at bigyan ng karampatang ayuda ang mga ito.
Ang bala sa bala, dahas sa dahas ay hindi makapagbibigay ng pangmatagalang solusyon. Ikonsidera nawa ng pamahalaan ang mga rebelde bilang mga taong biktima ng kahirapan na dapat tulungan.
Pagdarahop ang unang-unang pinagmumulan ng rebelyon. Patuloy na isulong ang mga programang mapaunlad ang ekonomiya at sa sandaling bumuti ang kalagayan ng mga mahihirap, mawawala kusa ang rebelyon.
- Latest