Maling sukat ng sapatos, masama sa paa
Sa buhay ng isang tao, tinatayang naglalakad siya ng 115,000 miles. Ito ay parang nakalibot ka na sa buong mundo ng apat na beses. Sa bawat hakbang natin, matindi ang bigat na tinatanggap ng ating paa.
Ang pagsuot ng tamang sukat ng sapatos ay makatutulong sa pag-alaga ng ating paa, tuhod at balakang. Mapapanatili nito ang tamang porma at hugis ng ating paa. Heto ang kumplikasyon ng pagsuot ng maliit at malaking sapatos lalo na sa mga bata.
Problema sa maliit na sapatos:
1. Puwedeng mapilay o masugatan ang paa. Sa katagalan, puwedeng mag-blister, magkalyo at tumabingi ang paa ng bata. Kadalasan ay ang mga daliri ng paa ay tatabingi paloob.
2. Puwedeng magkaroon ng ingrown toenail at magka-impeksyon. Madalas din magkaroon ng alipunga sa paa dahil laging mainit at basa ang paa sa loob ng masikip na sapatos.
3. Puwedeng mapigilan ang paglaki ng paa. Sa China, may lumang kaugalian na tinatali ang paa ng mga babaing sanggol para hindi ito lumaki. Masama po ito. Tandaan natin na lumalaki pa ang mga paa ng bata at puwede siyang mahirapan maglakad sa ibang araw.
4. Sasakit ang talampakan kapag masikip ang sapatos. Kikirot din ang bukong-bukong (ankles) at Achilles heels.
5. Sa may edad at may diabetes, delikado ang masikip na sapatos. Puwedeng mag-umpisa ang sugat sa paa na hindi gumagaling.
Problema sa malaking sapatos:
1. Madaling madapa ang bata. Ito’y dahil kulang ang kapit ng sapatos sa paa ng bata.
2. Puwedeng magkakalyo ang paa dahil sa pagkikiskis ng paa sa loob ng maluwag na sapatos.
3. Maiiba ang posture dahil babaguhin ang paglakad para hindi mahubad ang sapatos.
4. Maaaring tuksuhin ng kaklase dahil malaki ang sapatos.
5. Madaling masira ang malaking sapatos dahil tumatabingi ito agad.
Tandaan: Piliin lamang ang tamang sukat ng sapatos. Puwede ang mas maluwag ng kaunti dahil lumalaki pa ang paa ng bata. Huwag bumili ng sapatos na may mataas na takong. Piliin din iyung may sapat na kutson sa suwelas para maproteksyunan ang paa.
- Latest