Isang mungkahi sa Hotline 8888
Nasagot ng Hotline 8888 ang 54,743 hinaing ng mamamayan nu’ng Agosto-Disyembre 2016. Pero 1.4 milyong tawag ang hindi natugunan dahil nainip ang tumatawag sa tagal ng sagot o pila para maharap. Kulang kasi ang tao at pasilidad ng Civil Service Commission: 15 call agents lang kada 8-hour shift, 24/7. Kung may pondo, kailangan sana ng 400 call agents at computer-phones para maagad ang dagsa ng tumatawag.
Natugunan ang hinaing ng 54,743 tumawag. Halos kalahati ng tawag ay mga tanong kung nasaan ang opisina ng ahensiya, mga dokumentong kailangan at mga karapatan ng mamamayan. Pangalawang dumagsang tawag ay mga angal, isa sa bawat tatlo; kasunod ang mga paghingi ng tulong, isa sa bawat anim. Mga isang libong tawag ay mga suhestiyon at pagpuri sa mga ahensiya.
Karamihan ng mga hinaing ay tungkol sa bureaucratic red tape: (1) mabagal na proseso; (2) magulong palakad; (3) bastos; (4) hindi sumasagot sa telepono; (5) hindi kumilos sa loob ng office hours; (6) kikil; (7) fixers; (8) pangit na pasilidad; (9) dagdag-singil; (10) walang resibo; (11) dagdag-papeles; (12) kawalan-aksiyon; (13) walang tao sa tanghali; (14) walang sagot sa liham; 15) magulong pila; (16) walang lane para sa seniors, buntis, at may kapansanan; (17) walang nakapaskel na Citizens Charter; (18) walang ID; at (19) suhol.
Kapansin-pansin na 700 lang ang angal laban sa katiwalian. Tila atubili ang mga tumawag nang hingan sila ng buong pangalan, tirahan, at telepono. Siguro dapat payagang anonymous ang tumatawag kapag magsusumbong ng korapsiyon. Gayahin ng 8888 ang “I Paid A Bribe” ng India, kung saan maari mag-text o email ang mamamayan. Maari itong abusuhin ng nagsusumbong na naninira lang ng reputasyon. Pero kung paulit-ulit ang daing laban sa isang opisyal, aba’y maari na itong pagsimulan ng imbestigasyon. Bukod sa call agents, kailangan dito ay mga abogado, accountants, info-technologists, at iba pang eksperto.
- Latest