‘Darling of the yellow media’
Talagang makikita kung gaano ka-desperado at desperada ang mga dilawan. Kulang na lang ipagdasal nila, huwag matapos ni President Duterte ang kanyang termino.
Hindi talaga sila titigil hangga’t hindi nila matagumpay na naisasagawa ang kanilang “template” o formula. Gagawin nila ang lahat magkaroon lang ng kalituhan, kaguluhan at kawalang-katiyakan.
Sinasadya nilang magpakalat at magpasabog ng isyu nang sabay-sabay. Ang publiko tuloy hindi magkandaugaga. Nalilito sa mga kaganapan. Hindi pa nga natatapos ang isang isyu, mayroon na naman silang bagong pinapaputok na kontrobersiya.
Dalawa lang naman ang maiingay diyan, si Sen. Leila de Lima at Sen. Antonio Trillanes. Kaya kung titingnan ang emotion meter ng mga tao lahat galit at buwisit sa mga dilaw.
Ang nakakulong na senadora ginagamit ang pagiging laman ng balita. Tama yan, namnamin niya ang bawat lumilipas na oras at mga araw habang mainit pa siya sa media.
Pagkalipas ng isa, dalawang linggo, huhupa rin yan. Unti-unti niyang makikita at mararamdaman ang kalungkutan at kawalang-katiyakan. Unti-unti nang ninipis ang mga dadalaw sa kanya. Mapapagod din ang mga P.G. (patay-gutom) sa publisidad na sumasakay lang sa isyu.
Ngayong alam na ni De Lima kung ano ang pakiramdam ng naghihimas ng malalamig na rehas. Alam ito nina Trillanes, Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada. Pare-parehong mga nakatikim ng piitan.
Minsan, De Lima, sosorpresahin kita. Mabisita ka nga riyan sa bago mong bahay este tirahan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.
- Latest