Sugalan, sinalakay nina Sapitula
NI-RAID ng Eastern Police District (EPD) ang mga sugalan at 21 katao ang kanilang naaresto at P2,017 ang halaga ng taya ang nakumpiska. Matapos magpalabas ng kautusan si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa, kaagad kumilos si EPD director Chief Supt. Romulo Sapitula na nangako na lilipulin ang illegal gambling sa kanyang hurisdiksiyon. Kaya hindi mapakali ngayon ang gambling financiers sa eastern Metro Manila dahil alam nila na hindi sila sasantuhin ni Sapitula at station commanders ng San Juan, Mandaluyong, Marikina at Pasig. Nararapat lang na huminto na sa pagkalap ng taya sa mga sugal ang mga nasa EPD area dahil baka madaanan sila ng mga tauhan ni Sapitula at diretso kulungan sila. Ang penalty pala sa illegal gambling ay 12 years hanggang 20 years na kulong at ang multa ay mula P3 milyon hanggang P5 milyon.
Ang lupit ng parusa sa illegal gambling at dapat mag-isip na ang nagbabalewala sa kautusan ni Dela Rosa. Ang mga bataan naman ni NCRPO chief Dir. Oscar Albayalde ay nagsagawa rin ng Oplan Double Barrel laban sa illegal gambling at limang empleado ng jueteng operations ang naaresto sa Taguig City. Sinalakay ng Regional Police Intelligence and Operating Unit (RPIOU) sa pamumuno ni Chief Inspectors Jojit Jumawan at Jerome Wankey ng Taguig police at naaresto sina Nardo Reyes, Benjamin Ambrosio, Albert Dino, Junior Rodolfo Gutierrez at Kevin Enbres. Nakumpiska sa lima ang P2,000 bet money at iba pang mga gamit sa jueteng. Kinasuhan ang lima sa RTC ng Taguig City.
Kung kumilos ang NCRPO at EPD para puksain ang sugal sa Metro Manila, tiyak ang iba pang police districts ay may mga huli rin. Hindi sila pahuhuli, dahil alam nila nagmo-monitor si Dela Rosa kung sino ang hindi sumusunod sa kanyang kautusan at mabigwasan o ma-relieve sa darating na pagretiro ng mga matataas na opisyales ng PNP. Magreretiro na kasi si PRO4-A director Chief Supt. Valfrie Tabian sa Peb. 24 kaya tinabla niya ang sugal sa hurisdiksiyon niya. Baka naman nagpataas ka lang ng baon mo Sir Tabian? Tanong lang po! Subalit humahangos naman na nagreport ang mga suki ko sa Malabon na kahit may kautusan itong si Dela Rosa, hindi naman natitinag ang video karera operations ni Buboy Go dahil sa protection ni NPD director Chief Supt. Roberto Fajardo. Mukhang di makayanan ni Fajardo na talikdan ang P65,000 weekly payola ni Buboy Go sa opisina niya, di ba Sgt. Edgardo Cristobal Sir? Sana hindi ningas cogon ang kampanya ni Dela Rosa laban sa illegal gambling. Abangan!
- Latest