Just say No
WELCOME President Mayor Joseph Ejercito Estrada! Welcome po sa samahan ng mga nahimasmasan sa paninigarilyo.
Matagal nang may smoking ordinance sa Maynila. Isa ito sa mga naunang Local Government Unit (LGU) na ipinagbawal ang smoking in public places. Ngayong napatigil si Mayor sa bisyong paninigarilyo, nagawan tuloy ng kuwento ang pinaigting na pagpapatupad ng ordinansa.
Ang hinangaang Estrada political will ay naaninag dito sa lakas ng kanyang determinasyong isuko ang nakasisirang bisyo. Hindi madali para sa isang 50 years nang naninigarilyo ang tumigil. Hindi lamang lakas ng loob ang kailangan. Higit dito ay lakas din ng katawan. Mahihirapang tanggapin ng sistemang sanay sa nikotina ang biglaang pagkait nito.
Sa ipinapamalas ngayon ni Mayor, napupuno tayo ng kumpiyansa. Ang mga repormang kinakailangang ipatupad upang maipagpatuloy nito ang muling pag-angat ng Maynila ay kayang-kaya niyang bunuin. Magandang halimbawa rin ito para sa ating mga kabataan. Una, sa paninigarilyo ay wala kang magandang mararatnan. Pangalawa, patunay ito na kahit ano pang mahirap na gawain ay kakayanin kung gugustuhin.
Sa Davao City din ay may matagumpay na anti-smoking campaign. Sa Lungsod ni President Duterte ay ipinagbabawal ang paninigarilyo kapwa sa bukas at saradong lugar. Nang maupo itong Presidente, isa sa una niyang ipinangako ay ang pagpapatupad ng smoking ban sa buong bansa.
Marami ang matutuwa oras na maipatupad sa wakas ang country wide ban. Tinatayang halos limang minuto ang nababawas sa buhay ng isang smoker sa kada tingi ng sigarilyong sinisindihan. Hangga’t hindi kumikilos ang pamahalaan at sulsulan ang mga smoker na tumigil, mukhang hindi mababawasan ang bilang ng mga mamamatay sa sigarilyo sa susunod na 50 taon.
Kung si Mayor Erap, sa dami ng stress araw araw, sa tagal nang may bisyo ay nagawang i-give up ito, bakit hindi mo kaya? Makiisa sana sa hamon ni Mayor na maging mas malusog para sa sarili, sa pamilya at sa bansa.
- Latest