Matitibay na ebidensiya
UMAABOT umano sa P17 milyon ang halaga ng ari-arian si SPO3 Ricky Sta. Isabel gayung ang suweldo niya ay P8,000 kada buwan. Magaling daw ang kanyang asawa sa negosyo kaya lumago ang kanyang kayamanan. Naniniwala kayo na naging mayaman siya dahil sa galing ng kanyang asawa sa negosyo?
Patung-patong na ebidensiya laban kay Sta. Isabel ang hinahawakan ng PNP ngayon, para idiin siya sa kaso ng pagdukot at pagpatay kay Jee Ick-joo. May CCTV na nagwi-withdraw ng pera mula sa ATM account ni Jee. Ang kanyang ilang beses na pagtungo sa Friendship Plaza kung saan nakatira si Jee. Ang CCTV ng kanyang ginamit na sasakyan. At sa tingin ko ang pinakamatibay na ebidensiya laban sa kanya any ang salaysay ni SPO4 Roy Villegas na si Sta. Isabel ang sumakal kay Jee, at ang salaysay ng katulong ni Jee na siya (Sta. Isabel) ang dumukot sa kanila. Isama na rin daw na naroroon siya habang nagaganap ang cremation kay Jee.
Pero hanggang ngayon, sa kabila ng lahat ng ebidensiya na iyan, todo tanggi pa rin si Sta. Isabel, at sinasabing ginagamit lang siya na “fall guy”. Ganito rin ang mariin na pagtanggi ng kanyang asawa, na may hawak umanong mga ebidensiya para patunayan na inosente si Sta. Isabel. Itinuturo nila si Supt. Rafael Dumlao at hepe ng Anti-Kidnapping Group na si Senior Supt. Allan Macapagal na nagplano ng krimen. Siguro kailangan niyang pabulaanan muna ang lahat ng mga ebidensiyang nakalatag laban sa kanya, bago siya magtututuro. Pero ganun pa man, imbestigahan na rin kung may kinalaman nga ang dalawang mataas na opisyal. Hindi ako magtataka kung sangkot din sila at ganyan na talaga karumi ang PNP.
Inilabas nga ni Sen. Panfilo Lacson ang CCTV kung saan nagtatanim ng droga ang ilang pulis sa mga mesa ng empleyado sa isang gusali, bago nag-anunsiyo ng raid. Patunay na ang insidente kay Jee Ick-joo ay hindi “isolated incident” lamang, kundi ganito na ang kalakaran. Nakahanap ng dahilan para kumita. Ang kailangang sabihin lang ay ang salitang “droga”, baka absuwelto na sila. Walang kalaban-laban ang mamamayan ngayon. Noon, tanim-bala sa NAIA lang. Ngayon, tanim-droga na kahit saan? May quota ba ang mga pulis ngayon na kailangang may mahuli silang mga sangkot sa iligal na droga, para matuwa si Pres. Rodrigo Duterte, kaya nagtatanim na? At kumikita pa! Kabiguan ng awtoridad na ito sa organisasyon ng PNP, kung ganito na kawalanghiya ang mga pulis.
- Latest