Milagro na lang
KUNG si Mayor Joseph Estrada ang masusunod, gugustuhin niyang walang ga-bundok na basura ang maiiwan kapag natapos na ang “Traslacion” ng Poong Nazareno. Nanawagan ang mayor sa mga makikilahok sa taunang prusisyon na umiwas magtapon ng kanilang mga basura sa kalsada. Pero baka milagro lang mula sa Poong Nazareno ang makakasiguro na walang tone-toneladang basura ang maiiwan sa Maynila.
Sa Makati, 10 toneladang basura ang nakolekta sa isang sapa. May nagreklamo kasi sa masangsang na amoy ng sapa, kaya inaksyunan naman kaagad. Pero ganito na nga katindi ang problema ng basura sa Metro Manila, na hindi natutulungan ng masamang kaugalian ng marami na magtapon na lamang sa mga sapa. Hindi lilipas ang isang araw na hindi ako makakakita ng nagtatapon ng basura kung saan-saan. Kahit mga maliliit lamang – upos ng sigarilyo, balat ng kendi, mga balot ng pinagkainan, bote ng tubig – kung saan na lamang abutan ay itatapon na lang.
Malaking bagay dito ang disiplina, na nakalulungkot sabihin ay malaking kakulangan nang maraming Pilipino. Hindi likas ang maghanap ng tamang puwedeng pagtapunan ng basura. Kung mga maliliit na bagay, pwede namang bulsahin pansamantala hanggang sa makakita ng basurahan. Kapag kailangang magsigarilyo, humanap ng pwedeng pagtapunan nang maayos ang mga upos. Nakikita ko ito sa Hong Kong. Ang mga naninigarilyo ay ginagawa sa tabi ng mga basurahan. Alam ko mas mahigpit pa sa Singapore. Bakit hindi kayang gawin dito?
May mga siyudad na mas mahigpit pagdating sa maling pagtatapon ng basura. Sa tingin ko dapat ang buong Metro Manila maging mahigpit. Hindi ko talaga masasabi kung makakamit ni Mayor Erap ang kanyang kagustuhan na “zero waste” ngayong taon. Siguro kung magiging mahigpit siya sa mga mahuhuling magtatapon na kung saan-saan, baka magkaepekto. Pero tulad ng sabi ko, milagro ang kakailanganin. Milagro na magiging dispilinado na ang karamihan, kahit hindi lahat, hinggil sa pagtatapon ng basura.
- Latest