^

PSN Opinyon

‘Upos na umiilaw pa’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG DATING GASERANG natuyuan ng gaas sa tulong ng mga nagmamalasakit na ahensya ng gobyerno ay nalangisan at ngayo’y nagsisimula nang kumislap at kuminang muli.

“Yung ahensya niya dito sa Pilipinas wala nang pakialam sa ‘min. Hindi tinutulungan ang asawa kong makabalik ng bansa,” pahayag ni Neil.

Una nang lumapit sa amin si Neil Solis para ihingi ng tulong ang asawang si Maileen Listor na nagtatrabaho sa Jeddah bilang Household Service Worker (HSW). Pinamagatan namin itong ‘Gaserang natuyuan ng langis’.

Sa isang pagbabalik-tanaw ang ahensiyang King Solomon International Global Recruitment and Manpower Agency Inc. ang tumulong sa kanyang makahanap ng mapagtatrabahuan sa ibang bansa.

Ito ang unang pagkakataon ni Maileen na magtrabaho sa ibang bansa. Ika-23 ng Pebrero 2016 nang umalis siya papuntang Jeddah.

Dalawang buwan pa lang siyang nagtatrabaho dun iniinda niya na ang hirap at tila bumibigay na din ang kanyang katawan.

“Hindi pinapakain ang asawa ko. Yung trabaho sobra-sobra pa. Sumasama na rin ang pakiramdam niya,” ayon kay Neil.

Ang naging amo niya dun ay si  Khyrya Muhammad Ali Msyry. Ang Badawood for Recruiting naman ang ‘counterpart agency’ ni Maileen sa Jeddah.

Mag-isang nililinis ni Maileen ang tatlong palapag na bahay ng kanyang amo. Ang usapan nila iisa lang ang kanyang employer pero lumabas na ilang pamilya ang kanyang pinagsisilbihan dahil sa ikalawa at unang palapag nakatira ang anak nito.

Maliban sa hirap sa trabaho isa sa pinakaidinadaing niya ay ang hindi pagpapakain ng tama sa kanya. Wala ding day-off. Tanging sa Facebook niya na lang nakakausap ang pamilya.

Hindi din ibinibigay sa kanya ng amo ang kanyang sahod kaya naman wala siyang maipadalang pera sa pamilya dito sa Pilipinas lalo na sa kanyang anak na dahilan bakit siya nagpasyang mangibang bansa.

Agad na ini-report ni Neil sa King Solomon ang kalagayan ng asawa ngunit sagot sa kanila hindi daw ito pwedeng mapauwi ng walang kapalit.

“Makukuha lang raw ng asawa ko ang sahod niya pagkatapos ng kontrata sabi ng employer,” sabi ni Neil.

Dahil sa makabagong teknolohiya nakipag-ugnayan sa amin si Mai­leen sa pamamagitan ng Facebook at pinatotohanan niya ang lahat ng inihinging tulong ng kanyang asawa.

“Tulungan niyo po ako rito. Ayaw ko na talaga dito. Hindi man lang ako pinapakain bago pababain sa anak niya para maglinis,” ayon kay Maileen.

Alas singko na ng hapon ay hindi pa raw siya nanananghalian at tuloy pa din sa pagtatrabaho. Mabuti na lang at tinanong siya ng anak ng kanyang amo kung kumain na ba siya.

Nanghihina na ang kanyang katawan at namamanhid ang kanyang mga kamay at binti.

Minsan na raw siyang nagkasakit dun at hindi nagtrabaho para ipahinga ito ngunit pinagalitan lang siya ng kanyang employer. Hindi niya na lang ito ininda at napaiyak na lang sa kanyang kalagayan.

Nakipag-ugnayan agad kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang ilapit ang problemang ito. Nakipag-usap naman si Usec. Seguis kay Consul General Imelda Panolong ng Jeddah upang matingnan ang kalagayan ni Maileen.

“Tinawagan ako ng Philippine Consulate tinanong kung hindi ba raw ibinibigay ang sahod ko at kung nakukulangan ako sa pagkain. Sumagot ako ng oo,” sabi ni Maileen.

May ilang impormasyon pa raw itong tinanong sa kanya at sinagot niya namang lahat. Hindi rin daw siya tatakas sa kanyang employer at hihintayin ang magiging tugon sa inihihingi niya ng tulong.

Ilang araw ang nakalipas agad ipinaalam sa amin ni Maileen na ibinigay ng kanyang amo ang sahod niya. Pinaglutuan din daw siya ng kanin kaya’t nanibago siya sa mga ikinikilos nito.

Hindi rin daw siya pinayagang umuwi kaya naman inilipat siya sa anak ng amo at ito na ang bago niyang employer.

Sina Neil naman ay hindi tumigil sa pagpa-follow up sa ahensya ni Maileen dito sa Pilipinas ngunit sa halip na tulungan sila ay hindi pa daw maganda ang pagtrato ng mga ito sa kanila. Sinabihan pa raw siyang sinungaling ng kanyang nakausap.

Hindi rin sila kaagad naniwala nung sabihing papauwiin na ang kanyang misis dahil wala namang ganung balita sa kanila si Maileen.

Tinanong din namin si Maileen kung papauwiin na raw siya dahil wala kaming ganung uri ng report na natanggap mula sa embahada at sa ating Consul General.

Tanging sa pamilya niya lang daw sa Pilipinas ito narinig pero hindi naman siya tinatawagan ng embahada natin upang ipaalam kung talagang makakabalik na siya ng bansa.

“Ayoko kong abutan ng Ramadan dito. Nahihirapan na talaga ako, wala namang pinagbago,” sabi ni Maileen.

Nang makausap naman ni Neil ang ahensya nagsabi raw si Maileen na hindi na siya uuwi ng Pilipinas.

“Walang ganung binabanggit ang misis ko. Ang alam namin gustung-gusto na niyang umuwi dahil nagkakasakit siya sa ibang bansa. Bugbog na siya sa trabaho wala pang maayos na kain,” pahayag ni Neil.

Mas gugustuhin na lang daw nilang magtiyaga sa kinikita niya rito bilang mandaragat sa Navotas kaysa mapahamak ang misis sa ibang bansa.

May natanggap naman kaming email mula kay Consul General Panolong at sinabi nitong ang Welfare Officer na si Jun Cruz ay nakipag-usap sa employer ni Maileen at ipinaalam na dadalhin ito sa Consulate upang maaksiyonan ang kanyang mga reklamo.

Kinabukasan tumawag si Neil sa amin at ipinaalam na ayos na raw. Makakauwi na ang kanyang misis at may pinirmahan na raw ito. Hihintayin na lang daw niya kung kailan.

“Dun daw siya nakatira sa bago niyang amo. Tatawag na lang ang asawa ko kung kelan ang petsa at oras ng uwi niya. Maraming salamat po,” ayon kay Neil.

Nais din naming magpasalamat kay Usec. Seguis at sa bumubuo ng DFA ganun din sa embahada nating tumulong.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

 Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

NATIONAL BUREAU OF INVESTIGATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with