‘Outstanding Old Trainee’
ANUMAN ang edad ng isang tao, hindi ito dapat maging hadlang upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral para maabot ang pangarap na mas maginhawang buhay. Ika nga, ang karunungan ay yaman na hindi mananakaw.
Kaya naman tunay na nakahahanga ang ating mga kababayan na nagsisikap makakuha ng diploma sa kabila ng mga sitwasyon sa buhay, gaya ng kahirapan, maagang obligasyon sa pamilya, kapansanan o katandaan.
Isa si Pedro “Pete” Belarmino, 83, ng Tondo, sa 1,189 na mga nagtapos kamakailan ng 20-araw na baking course sa ilalim ng Manila Manpower Development Center (MMDC). Siya rin ay kinilala bilang “Outstanding Old Trainee” ng kanyang batch.
Ayon sa kanyang trainor, naging masigasig si Manong Pete at nagpakita ng matibay na determinasyon na matuto. Siya ay lagi ring maagang dumarating sa klase, at masiglang nakikibahagi sa mga talakayan. Matapos ng kanyang pagsasanay, balak ni Manong Pete na magtayo ng sariling panaderya.
Sa ilalim ng programa ni Mayor Joseph “Erap” Estrada, binibigyan ng libreng pagsasanay ang mga residente ng Maynila na interesadong mag-aral at magkaroon ng mga bagong kaalaman upang magkaroon ng trabaho o kaya ay sariling kabuhayan.
Kada taon, tinatayang 6,000 Manilenyo ang nakakapag-aral at nabibigyan ng vocational training sa siyam na kurso ng MMDC – bukod sa baking, barista, hotel and restaurant services, massage therapy, cooking and food processing, garment trade, fashion jewelry making, unisex haircutting and beauty care.
Karamihan sa mga nagtapos ay magkakaroon ng on-the-job training (OJT) sa mga katuwang ng MMDC gaya ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at mga kumpanyang naka-base sa Maynila, habang ang iba ay magtatayo ng sariling negosyo.
Malaki ang pasalamat ng mga Manilenyo sa programang ito ng pamahalaang lungsod na nagbibigay sa kanila hindi lang ng disenteng pagkakakitaan, kundi pag-asa at daan sa magandang buhay.
- Latest