“Kuryenteng Trabaho”
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
PAGURIN MO, SAGARIN MO kayang-kaya nilang tiisin gumanda lang ang buhay para sa pamilya.
Kapag wala ng nakikitang bunga ng kanilang pinagpawisan dun na nila nararamdaman ang lahat ng pagod ng kanilang pagbabanat ng buto.
“Tapos na ang kontrata ng mister ko pero hindi pa ibinibigay sa kanila ang apat na buwan sahod. Gusto na niyang makauwi pero puro pangako lang ang napapala nila sa kompanya,” ayon kay Theresa.
Pangalawang beses nang nagtrabaho sa ibang bansa ang asawa ni Ma. Theresa Jores na si Rommel. Kasalukuyan siyang nasa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.
Ayon kay Theresa Disyembre 9, 2015 pa lang nang matapos ang kontrata ng mister ngunit hindi pa sila nakakauwi dahil hindi binibigay ang sahod ng kompanyang AMR Al-Shareef Est for Con. and Technique.
‘Electrician’ dito si Rommel at ang naging ahensya niya rito sa Pilipinas ay ang Arjoy’s Entertainment. May isang Pinoy din siyang kasama dun na pareho niya ng problema si Nicanor Basbas na na-stroke pa nung Disyembre.
“Sabi ng asawa ko nagsara raw ang agency kasi inireklamo ng dati niyang mga kasamahan. Pinapaasa sila palagi dun at sinabing antay-antay lang wala pa raw pera ang kompanya pampasahod,” salaysay ni Theresa.
Nakausap din namin si Rommel mismo. Ang nakalagay daw sa kontrata niya 2, 500 Riyals ang sahod niya bawat buwan at may 300 Riyals na ‘food allowance’.
Hindi raw sila binabayaran ng ‘overtime pay’. At sa loob ng dalawang taon ay wala silang natanggap na food allowance.
Wala rin daw silang benepisyong natatanggap.
“Isang buwan akong naghintay na ibigay nila ang pera pero sabi wala pa raw silang pampasahod at maghintay lang ako. Araw-araw akong nagpa-follow up sa opisina,” ayon kay Rommel.
Isa pa sa inaalala ni Rommel ay malapit nang mapaso ang kanyang Iqama (working visa).
Hindi na raw siya nagtatrabaho ngayon dahil gusto niyang makauwi. Siya rin daw ang gagastos sa tiket niya pauwi tulad nang ginawa ng ibang lahi para lang makaalis at makabalik ng sariling bansa.
Ang amo nilang si Turkey Harib ay wala ring maisagot sa kanila tungkol sa sinisingil na sahod.
May mekaniko rin siyang kasama dun na mga Pilipino. Sina Nicanor Basbas, Reynaldo Navarro, Arnel Abrenica, Michael Delima na hindi din nakakatanggap ng sahod at ang ilan ay walang Iqama.
“Si Nicanor kasabay ko, tapos na ang kontrata niya. Limang buwan namang walang sahod si Reynaldo at walang Iqama. Mahigit isang taon at limang buwan na si Arnel hindi din siya pinapasahod. Si Michael naman matatapos na ang kontrata sa Abril pero walang natanggap na sweldo,” kwento ni Rommel.
Gutom na raw ang inabot nila dun. Kung mababayaran sila kaagad ng kompanya ay agad-agad silang uuwi ng bansa kaysa mapahamak pa sila dun.
Sinubukan na raw nilaang lumapit sa POLO pero hindi naman sila natulungan.
Humingi na rin daw sila ng tulong sa Saudi Labor ngunit wala ding nangyari dahil hinihingian sila ng reklamong nakasulat sa Arabic ang problema hindi naman sila marunong.
“Sana matulungan niyo po kami. Kawawa naman ang pamilya namin sa Pilipinas,” pahayag ni Rommel.
Hindi nila alam kung kanino pa sila lalapit gayung sinubukan na nila ang lahat na maaari nilang matakbuhan sa Saudi pero walang magandang nangyari sa kanilang reklamo.
Sayang naman ang kanilang pagod nang hindi man lang nila nahawakan ang kanilang mga pinagpawisan.
Wala raw counterpart agency ang Arjoy’s sa Saudi at ang alam lang ni Rommel na ahensiya niya ay ang inapplyan dito sa Pilipinas.
Hiling ni Rommel matulungan siyang makauwi pati ng kanyang kasamahan dahil hindi na naman sila sumusweldo at nalilipasan lamang ng gutom sa ibang bansa.
Ang masaklap pa kapag nahuli silang walang Iqama. Natatakot silang sa halip na makauwi ng Pilipinas ay makulong pa sa ibang bansa.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang isang manggagawa sa ibang bansa ay iisa lamang ang kanyang layon. Kumita ng marangal upang mai-angat ang kanilang pagkasadlak sa hirap.
Dalawang taong nangulila yan sa piling ng kanyang pamilya. Ilang Pasko, Birthdays, Bagong Taon at kung minsan Graduation ng anak ang hindi nadaluhan dahil subsob sa trabaho.
Ang hindi mo ibigay ang kanyang sahod na talagang kanya ay maaring maglagot yan at baka kung ano magawa niya sa kanyang amo. Huwag naman sana.
Hindi na obligasyon ng mga manggagawa na intindihin ang kompanya na wala na itong pera. Nararapat lang na mabayaran sila dahil pinagtrabahuan nila ito.
Dapat yung mga kompanyang walang kakayahang magpasweldo isinasara na lang dapat yan at hindi na binibigyan ng mga tao ng ahensya para walang nagdudusang Pilipino dun.
Kapag dumating ang panahon na mapaso na ang kanilang mga dokumento pwedeng pwede silang hulihin at ikulong dun. Tulad ni Rommel na dati nang nangibang bansa, kapag na-deport siya sa Pinas siguradong masasama siya sa hindi na maaaring makabalik sa Saudi at sa ilan pang bansang kakabit nito sa Middle East.
Upang malaman ang tunay na kalagayan ng mga lumapit sa amin, nakipag-usap kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis.
Ibinigay namin ang lahat ng detalye na maaaring makatulong sa kanila na makontak agad ang mga taong ito upang malaman kung paano sila matutulungan.
Para naman sa ahensyang nagpa-alis sa kanya, bahala na ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) sa pamumuno ni Administrator Hans Leo Cacdac kung ano ang dapat ipataw na parusa sa kanila.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest