Anong ginagawa niya roon?
NAGING balita ang paghuli kay Lt. Col. Ferdinand Marcelino, dating PDEA agent na nakilala dahil sa kasong paghuli sa “Alabang Boys”. Wala na si Marcelino sa PDEA, pero active duty officer ng Philippine Marines ngayon. Kaya nagulat na lang ang mga operatiba ng PDEA at PNP nang nagsigawa ng raid sa isang bahay sa Sta. Cruz, Maynila noong Huwebes. Kasama ni Marcelino ang Chinese national na si Yan Yi Shou, at higit P320 milyong halaga ng shabu ang nadiskubre. Ang bahay ay ginawang laboratory sa paggawa ng shabu. Ang tanong ng lahat, ano ang ginagawa niya doon?
Wala na sa PDEA si Marcelino, at sundalo na. Ang kriminalidad ay hindi saklaw sa mga tungkulin ng militar. Trabaho ng pulis iyan. Kaya ano nga ang ginagawa ni Marcelino sa isang shabu lab na may kilo-kilong shabu? Wala raw sa “radar” ng PDEA at PNP si Marcelino. Ibig sabihin, hindi nila alam na nasa loob din siya ng bahay na sinalakay. Wala ring ahensiya na sumalo kay Marcelino para sabihing “undercover” siya o kasalukuyang may tinatrabahong kaso laban sa iligal na droga. Ang PDEA wala raw alam na ganyang impormasyon.
Wala raw siyang kasalanan, ayon kay Marcelino. Pero ano ang kanyang ginagawa roon? Wala rin siyang maipakita na mission order na siya nga ay nagsasagawa ng operasyon laban sa iligal na droga. Wala siyang maipa-kitang anumang dokumento na may pahintulot gumawa ng operasyon sa Maynila.
Matagal na raw hinihinalang protektor ng mga sindikato ng iligal na droga si Marcelino, kahit tila maganda ang kanyang naging rekord sa PDEA. Ito ay ayon mismo sa dating PDEA agent na anti-illegal drugs advocate ngayon. May mga lumalantad na rin na ang mga iligal na droga na nakukumpiska mula sa mga sindkato at kriminal ay lumilitaw lang muli sa merkado, pero mga pulis na ang nagbebenta.
Malaking isyu itong paghuli kay Marcelino. Kilala siya dahil sa kanyang mga nagawa noong nasa PDEA pa siya. Malungkot, at nakakapangamba kung may kaugnayan nga siya sa iligal na droga. Bagama’t kailangan pang patunayan ang kanyang pagkakasala, iba na ang tingin sa kanya ng tao. At hindi lang sa kanya, kundi sa lahat na ng ahensiya at tauhan na lumalaban sa iligal na droga. Kaya ba hindi masugpo ang iligal na droga, dahil sa mga tao tulad ni Marcelino kung sakali?
- Latest