‘Posisyon ginawang pabuya’
NGAYON palang nagkakabukingan sa kapalpakan at kapabayaan ng Social Security System.
Kaya naman pala nagkalintek-lintek ang operasyon ng SSS at tama lang na “i-veneto” ni Pangulong Noy Aquino ang panukalang pagtaas ng pensyon dahil si Emilio De Quiros palamuti lang sa pwesto.
Naturingang presidente at chief executive officer (CEO) ng ahensya pero kapag kailangan na, “no show.”
Sa halip na manguna, nagpapadala lang ng tao sa mga trabahong dapat siya ang gumagawa.
Mismong si Speaker Sonny Belmonte na ang nagbuking. Kung anuman ang kaniyang pakahulugan sa “timid” sa tagalog, mahiyaan, nahihiya o walang kumpyansa sa sarili, hindi rin daw agresibo si De Quiros.
Noong kasagsagan ng congressional hearing sa panukalang dagdag-pensyon na P2,000 sa mga retiradong manggagawa, ang pinapadala niya, ang kaniyang bise-presidente.
Sa halip na siyang pinuno ang pumunta o sinuman sa kaniyang mga direktor, ang ipinadala ‘yung walang sapat na kaalaman sa proposed pension hike.
Hindi ko rin maintindihan kung bakit tuloy lang sa pagtanggap ng mga kritisismo, kahihiyan at panggigisa si PNoy sa kapabayaan ni De Quiros. Iba talaga kapag malapit sa pangulo. Talagang ipaglalaban ng patayan. Tsk…tsk!
Lahat ng ito resulta ng pagluluklok ni President BS Aquino ng mga taong hindi naman dalubhasa, hindi karapat-dapat, walang alam sa pangangasiwa at walang alam sa pamamahala.
Kaya sinuman ang susunod na uupo, ‘wag tularan si PNoy. Ginagawang pabuya ang pwesto sa gobyerno.
Patawarin at intindihin nalang natin si Pangulong Noy kasi wala naman talaga siyang management skills.
Si Sen. Antonio Trillanes ang may sabi niyan!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest