Speedy Limot
MUKHANG burado na sa isip ng marami, lalu na ng mga kabataan ang rehimen ni dating Presidente Marcos at ang mga umano’y pang-aabuso at katiwaliang nakadikit dito. Ang anak naman ng dating Pangulo na si Sen. Bongbong Marcos ang kumakandidato sa pagka-bise presidente. At huwag isnabin. Patuloy na tumataas ang survey ng Senador.
Umangat sa 23% (Pulse Asia) at 19% (Social Weather Stations) ang ratings ni Bongbong. Tanong ng kumpare ko, nagkaroon ba ng “collective amnesia” ang taumbayan hinggil sa martial law at mga pang-aabuso nito? Mayroon pang grupo ng mga kabataan na maka-Marcos, at para sa kanila’y kuwento lang ang lahat ng ito dahil hindi pa sila ipinanganak noong Batas Militar.
Ang slogan ni Bongbong ay “Hindi ako ang nakaraan.” Pero ang opinion ng iba ay tulad din ng kanyang ama si Bongbong. Dahil sa patuloy na pagpupumilit maging bise-presidente ni Duterte gayong katambal na niya si Sen. Miriam Santiago. Kinamuhian si Marcos noon dahil sa sinasabing “walang-habas” na paglimas sa kaban ng bayan. Tinatayang aabot sa $10 bilyon hanggang $20 bilyon ang naibulsa. May sinasabing “rare pink diamond” na $5 milyon ang presyo at ang humigit-kumulang sa 200 na obra ng sikat na mga pintor sa Europa.
Lumobo ang utang ng Pilipinas dahil umano sa pagkuha ng “crony loans” ng mga Marcos sa mga government banks na kaalyado’t kaibigan. Umabot sa $28 bilyon ang utang ng Pilipinas. Anang IBON Foundation, babayaran ng mga Pilipino hanggang 2025 ang utang ayon sa loan schedule. Halos kalahati ng national budget taun-taon ay pambayad lang sa utang na magagamit sana sa mga proyektong pakikinabangan ng mga mahihirap.
Kamakailan, sinabi mismo ni Bongbong na wala silang dapat ihingi ng tawad, lalo na sa mga human rights victims. Kaya ang opinion ng marami ay dapat aminin, tanggapin at ihingi ng tawad ni Bongbong ang mga kasalanang nagawa ng kaniyang pamilya, sa kanilang pangungurakot at higit sa mga Martial Law victims at sa mga pamilya nila, lalo nga’t nanawagan pa siya kuno kamakailan ng pagkakaisa ng bawat Pilipino.
- Latest