Kakaibang korapsyon
MAY ibang klase ng korupsyon. Pinakamatinding klase na hindi napapansin ng mga anti-corruption advocates at watchdogs. Ito ang pag-abuso sa proseso ng batas, partikular ang pagsasampa ng kaso sa korte.
Anang Standford Encyclopedia of Philosophy, kapag ang isang tao ay nagsinungaling sa korte sa kanyang sinumpaang salaysay, isa rin itong uri ng korupsyon: “But if ordinary citizens lie when they give testimony in court, this is corruption; it is corruption of the criminal justice system.”
Sa kaso ni independent presidential candidate Sen. Grace Poe, hindi marami ang napapaisip na isa rin itong uri ng korupsyon. Bakit? Dahil nagsisinungaling ang mga nagkaso sa kanya sa tunay nilang motibo sa paghahabla. Sa takbo ng mga pangyayari, nabisto na may kaugnayan ang isang nagsampa ng kaso kay Poe sa namumunong partido. Ikalawa, ang talunang kandidato sa pagka-senador at nuisance candidate, o saling-pusang kandidato, naman sa pagka-presidente ay may kaugnayan din noon sa ruling party at maging sa isa pang naghahabla kay Poe.
Iyon namang isinampang reklamo ng isang dekano ng Law School ay halos kinopya lang ang reklamo nang naunang naghain ng kaso. Sabi nga ng barbero kong si Mang Gustin, tila napag-utusan din lang si Dean na maghain ng kaso. At bakit ibinibitin ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagbababa ng hatol nito sa kapalaran ni Poe?
Nung una ay humahagibis sa bilis ang pagbababa ng hatol ng Second at First Division. Pero ngayon ay parang MRT na bigla na lang tumitirik ang paglalabas ng COMELEC en banc. Ani COMELEC Chairman Andres Bautista, maglalabas muna ng temporary list ng mga tatakbong pangulo. Ngunit di na tayo nagtataka. Ito ay para magmukhang kapani-paniwala ang desisyon.
Gayunman, naniniwala pa rin tayo na maaaring magbago ang ihip ng hangin kung sakaling makonsensya ang mga tao. Sana, mabago ang ihip ng hangin.
- Latest