EDITORYAL – DSWD dapat kumilos sa naglipanang ‘batang-hamog’
KAHAPON, sa kabila na makulimlim ang panahon, hindi mapigilan ang mga ‘‘batang-hamog’’ sa pananamantala sa mga sasakyang may kargang paninda na dadalhin sa mga palengke sa Metro Manila. Isang dyip na may kargang hinog na saging ang inakyat ng mga “batang-hamog” habang nasa may Quezon Bridge ay dinukot ang mga saging. Kahit may harang ang bintana at pinto ng dyipni, nagawa pa ring manakawan ng mga batang hamog. Matapos manakawan ang dyipni, nagtalunan ang mga bata at mabilis na nawala.
Hindi lang mga batang-hamog ang naglipana sa kalye ngayon pati mga batang namamalimos ay dagsa na rin. Karamihan ay umaakyat sa mga dyipni at may iaabot na mga sobre sa mga pasahero para lagyan ng pera. May mga bata na kakatukin ang bintana ng kotse at saka ilalahad ang kamay para abutan ng pera. Mayroong mga bata na biglang tatawid sa kalsada para habulin ang mga dyipni at sa pagmamadali hindi na nakikita ang mga mabibilis na sasakyan na tumutumbok sa kanila.
Parang mga kabuti na nagsulputan ang mga batang pulubi at maging ang mga babaing Badjao na karga-karga ang kanilang anak. Bawat sasakyan na dumaan ay nilalapitan at hinihingian ng pera. Pati mga Aeta ay nagsidagsa na rin sa Metro Manila para manghingi ng limos. Pami-pamilya ang mga Aeta na nasa gilid ng mga kalsada at nakasahod ang mga kamay para abutan ng pera.
Sinabi noon ni DSWD Sec. Dinky Soliman na huwag lilimusan ang mga bata o pulubi sa kalye. Kapag binigyan, aasa lamang ang mga ito sa pagbibigay at hindi na aalis sa kalye. Kapag walang nagbigay o naglimos hindi na sila mamamalagi sa kalsada.
May katwiran naman ang DSWD. Pero marami pa ring mabubuting tao na naglilimos sa mga pulubi kaya hindi maipatupad ang utos ng DSWD. Lalo pa ngayong Pasko na marami ang nagbabahagi ng grasya sa kapwa.
Ang dapat gawin ng DSWD ay magkaroon nang pangmatagalan at epektibong solusyon sa kapakanan ng mga bata at pulubi. Mag-isip ng paraan kung paano sila mabibigyan ng tamang tulong. Kadalasan, itinatago lamang ang mga pulubi kapag may dumarating na bisita. Gaya nang dumating si Pope Francis at noong APEC summit. Hindi sana tapal-tapal lang ang pagtulong.
- Latest