Ilan bang kriminal para maituring na sindikato?
HALATANG namumulitika ang NBI sa ulat ng “tanim-bala” sa NAIA. Matapos ang isang buwang siyasat ng pagtatanim ng bala sa carry-ons ng mga papaalis na pasahero, natiyak na meron ngang gan’ung modus operandi. Batay ito sa ebidensiya at panayam sa mga biktima. Pero dagdag din ng NBI na “walang sindikato” na nagpapasuhol para huwag makasuhan. Kasi raw kokonti lang umano ang sangkot sa krimen.
Maitatanong mo tuloy: Bakit, ilan bang kriminal ang kasapi para maituring na sindikato?
Hindi maitatatwa ng NBI na meron ngang “tanim-bala” kasi walang rason ang 11 huling biktima para magtago ng paputok. Hindi sila terorista o mapamahiin na pangontra ito sa maligno. Lahat ay walang baril, at tatlo ay transit passengers lang na na-security check na sa airports of origin bago dumating sa NAIA. Lahat ‘yan ay lumabas na sa media at sa televised Senate inquiry. Takot lang ng NBI sa poot ng madla, at maputulan ng Kongreso ng budget,
Pero sinusunod din ng NBI ang script ng Malacañang. Bahagi nito ang palusot ni President Noynoy Aquino na ‘‘sine-sensationalize lang ng media ang raket.’’ Aniya, sa 34 milyong dumadaan ng NAIA kada taon, 1,400 lang ang nahulihan ng bala at 70 lang ang isinakdal -- o e ano, ang isyu ay pangingikil para nga walang kaso. Ipinilit niya na kesyo walang sindikato. Ito’y para pagtakpan ang kapalpakan ng pinsan na NAIA general manager Jose Angel Aquino Honrado at ka-Liberal Party Transport Sec. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya.
Ang ‘‘sindikato’’ ay ‘‘grupo, kombinasyon, o asosasyon ng gangsters na kumo-control ang organisadong krimen o isang uri ng krimen, lalo na sa isang rehiyon ng bansa’’ (Random House Dictionary). Samakatuwid, kung tatlo sila ay sindikato na -- sa pook ng NAIA. Sa NBI case ni American missionary Michael Lane White, anim na NAIA security screeners at pulis ang sangkot. O, hindi pa ba sindikato ‘yon?
- Latest