‘Recall’
SINO ba naman ang may ayaw ng name recall kung personalidad o brand recall kung produkto?
Gusto laging nasa isipan ng tao. Kung hindi man maging laman ng balita, natatak na sa isipan ng publiko.
Kaya nga ang daming P.G. (patay-gutom) sa publisidad. Kuntodo pagpapapansin sa harap ng mikropono at kamera kahit magang-maga na ang kanilang mukha.
Parang mga trapo. Talagang makikipaglaban ng patayan sa exposure sa media makapag-iwan lang ng recall sa isipan ni Juan Dela Cruz.
Kabi-kabila sa pagsabit ng naglalakihang tarpaulins. Ginawa nang sampayan ang kalsada. Mistulang basurahan.
Lalo na ngayong election season. Bumabaha ang political advertisements sa telebisyon, radyo, diyaryo maging sa social media pero hindi pa rin napapansin.
Milyones na ang sinusunog na pera sa kanilang ka-epalang pautot at patalastas, ‘ala pa ring dating.
Alam ng tao na andyan sila subalit hindi ramdam ang kanilang saysay at presensya. Para lang silang mga mabahong utot na dumaan sa ere.
Ang dahilan, sa tagal na nila sa pwesto nawalan na nang respeto at tiwala sa kanila ang tao.
Papaano ba naman kasi puro lang sila palabra. Hindi tumutugma ang kanilang mga sinasabi sa kanilang mga pinaggagawa. Walang makitang resulta at kinahinatnan ng kanilang gawa.
Wala rin pinagkaiba sa mga pulis sa kriminal.
Alam ng mga halang ang bituka na may mga alagad ng batas subalit tuloy pa rin sila sa kanilang katarantaduhan at kagaguhan.
Kapag nakahanap ng oportunidad gagawa at gagawa pa rin sila ng krimen. Alam kasi nila na hindi agad sila mahuhuli at hindi matutulog sa likod ng matatabang rehas.
Tulad ng matagal ko nang sinasabi sa aking programa sa radyo at telebisyon, napakahalaga ng persepsyon.
Sa persepsyon nabubuo ang tiwala at respeto na magiging pundasyon ng integridad ng isang personahe o produkto tumpak man palpak ang kinahinatnan ng kanilang salita o gawa.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest