EDITORYAL – Dapat nang palitan jailguards sa NBP
NOONG Martes, muli na namang ni-raid ang mga dormitoryo sa New Bilibid Prison (NBP) at marami na naman ang nasamsam na kontrabando. Nakasamsam ng mga cell phone, iba’t ibang gadgets, appliances at marijuana. Ang mga nag-raid ay binubuo ng BuCor personnels, Drug Enforcement Agency at Philippine Army. Ang pagsalakay ay ikapito na mula pa noong Oktubre.
Ang lubhang nakapagtataka sa pagsalakay noong Martes ay napakaraming nakuhang cell phones sa drawers ng jailguards. Nagkaroon ng pag-iinspeksiyon sa tanggapan ng jailguards at natagpuan doon ang iba’t ibang cell phones na pinaniniwalaang pag-aari ng inmates. Sabi ng jailguards, bahagi raw iyon ng mga nakumpiska sa mga nakaraang raid at hindi pa naiimbentaryo. May pagdududa naman si NBP head Supt. Richard Schwarzkopf.
Walang katapusan at wala na yatang pagkaubos ang mga kontrabando sa NBP. Parang balon na hindi maubusan ng tubig.
Nang magsagawa ng unang search operations sa dormitoryo ng Commando at Sigue-Sigue Sputnik gangs, noong Oktubre, nadiskubre ang mala-armory sa loob. Maraming matataas na kalibre ng baril, sangkatutak na bala para sa shotgun at iba’t ibang uri ng bladed weapons. Ang mga baril ay ibinaon sa suwelo. Nang tungkabin ang mga tiles, natambad ang mga baril na kinabibilangan ng UZI, shotgun, calibers 45 at 38. May mga baril pang nakabaon sa barya para hindi mahalata. Sabi ng NBP official, mas marami pa raw baril ang inmates kaysa kanilang jailguards. Bukod sa mga baril at bala, nakakumpiska rin ng drug paraphernalias. Patunay din ito na laganap ang negosyo ng shabu sa loob.
Nang muling salakayin makalipas ang isang linggo ang mga dormitory, marami na namang nakumpiskang mga armas na matataas ang kalibre. Marami ring nakumpislang bala at mga matatalas na bagay – kutsilyo, itak, gunting at iba pang patalim na gawa sa kutsara at tinidor.
Kahit araw-arawin ang pagsalakay sa mga dormitoryo marami pa rin ang makukumpiska, indikasyon na may nangyayaring corruption kaya naiipasok ang mga kontrabando.
Dahil sa mga corrupt na jailguards kaya naiipasok ang mga kontrabando. Kahit araw-araw mag-raid kung mga tiwali naman ang jailguards, walang mangyayari. Pinakamagandang solusyon ay tanggalin ang jailguards at palitan ng mga sundalo. Subukan naman sila sa NBP.
- Latest