‘Ang pagbabalik ng Nutribun sa Maynila’
Marahil ay marami pa sa atin ang nakakatanda ng Nutribun feeding program na ipinatupad noong panahon ni dating Pangulong Marcos noong dekada 70. Ito ay bilang tugon ng pamahalaan sa laganap na malnutrisyon sa mga kabataang Pilipino.
Ngunit para sa bagong henerasyon ngayon na hindi na naabutan ang benepisyong hatid ng Nutribun, ibinabalik ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang nasabing programa upang tugunan ang parehong problema ng malnutrisyon sa kabataang Manilenyo.
Mismong si Mayor Erap Estrada ang nakaisip at nagsulong na ibalik ang Nutribun o ang libreng pagbibigay ng masustansya at nakakabusog na tinapay sa mga patpating mag-aaral sa lahat ng pampublikong elementary schools sa Maynila sa loob ng 120 araw.
Nakita niya kasi ang positibong epekto ng pagpapatupad ng Nutribun noong dekada 70, kaya naman sa kanyang panunungkulan bilang mayor ay nilagdaan niya ang Executive Order 50 upang bumuo ng Committee to Fight Against Hunger Among Schoolchildren.
Layon ng programa na wakasan ang gutom sa kabataan at mapagbuti nila ang kanilang pag-aaral. Paano nga naman matutukan ng bata ang leksyong itinuturo ng guro kung kumakalam ang kanyang tiyan at nahihilo ito sa gutom? Malaki ang epekto ng matinding gutom sa paglaki ng mga bata hindi lamang sa pisikal na aspeto, kundi pati na rin sa kanilang kakayahang mag-isip at matuto at pakikitungo sa kapwa.
Ang tinapay na tumitimbang ng 88 gramo ay espesyal na ginawa at nilagyan ng Vitamins A at C, iron, iodine, calcium – pawang mga sustansya na kailangan ng katawan ng lumalaking bata. Ito rin ay may 3 flavors: Chocolate, buttermilk at raisins.
Ngunit sa kagustuhan ni Mayor Erap na mas pagbutihin pa ang programa, bukod sa ipinamamahaging Nutribun ay dinagdagan pa niya ito ng gatas o tsokolateng inumin upang mabigyan ng protina at lubos na lumakas at maging malusog ang mga malnourished na bata.
Tinatayang 15,000 kabataang mag-aaral na ang nakinabang sa proyekto at naging mas malusog ang pangangatawan mula sa pagiging payat at matamlay. At dahil sa tagumpay ng pagbabalik ng Nutribun sa Maynila, inaasahan ng Manila Health Department na marami pang lokal na pamahalaan ang magpapatupad din nito.
- Latest