Makitid
MARAMI ang nabigla sa desisyon ng tatlong commissioner ng ikalawang dibisyon ng Comelec na i-disqualify si Senator Grace Poe. Ang ginamit na batayan ng tatlo ay ang diumanoy kakulangan ng residency requirement ng Senadora. Hindi nila tinalakay ang isyu ng kung si Senator Poe ay natural born citizen gaya ng ginawa ng Senate Electoral Tribunal (SET). Wala nga naman silang hurisdiksyon para daanan ang kwestyon na iyon dahil ang Comelec ay hindi hukuman. Tanging ang sangay ng hudikatura o ang mga Presidential Electoral Tribunal ang maaring humatol ng tungkol sa citizenship ng kandidato. Ang Comelec ay limitado sa pagsuri sa kung tama o palsipikado ang mga nilalaman ng inihain na certificate of candidacy (COC) para matukoy kung pasok ito sa hinahanap na residency requirement ng Konstitusyon.
Ito ang naging basehan ng nakabibiglang desisyon ng tatlong commissioner. nakabibigla dahil mayroon nang naunang Supreme Court case na dapat nagamit nilang guidance sa kanilang pagpasiya. Ito ang kaso ni First Lady Imelda R. Marcos nang tumakbo itong Kongresista sa Leyte matapos magbalik mula sa destierro sa Honolulu. Naungkat din sa kaso niya ang isyu ng residency na, ayon sa kanyang COC, kulang diumano sa takdang bilang sa batas. Subalit ang ginawa ng Supreme Court sa naunang kasong iyon ay binigyang timbang ang mga karagdagang ebidensiya, kabilang ang iprinisinta ni Mrs. Marcos at pati na rin ang mga bagay patungkol sa buhay ng Marcos family na natutunan lang sa balita. Hindi ito nagpa-ipit sa kung ano lang ang nakasulat sa COC para desisyunan ang isyu.
Ang prinsipyong sinunod ng Korte ay, sa mga election cases, dapat laging isa-alang alang ang laya ng taong bayan na makapamili ng malaya at ang karapatan ng bawat isa sa atin na maghangad na manilbihan sa kapwa. Sana maisa-alang alang ito sa pagmiting muli ng Comelec upang hatulan ang appeal ng taumbayan para kay Senator Poe.
- Latest