Yoyo Dav: Ang ‘yoyo’ ng Davao City
BILIB na sana ako kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte noong araw bagama’t hindi pa rin ako kumbinsido na dapat siyang maging Pangulo ng bansa. May pagka-Dirty Harry kasi ang estilo niya laban sa mga kriminal. Ang kinabibiliban ko sa kanya ay ang kanyang matatag na political will na pinatunayan niya sa Davao City na halos walang kriminalidad na nangyayari porke ginagawang “pataba” sa mga isda sa dagat ang mga kriminal.
Pero dahil sa urung-sulong niyang estilo, nawala ang pagkabilib ko sa kanya. Para niyang tsinutsubibo (pinaiikot) ang tao. Kung baga sa artista, parang nagpapa-primadona. Sa modernong terminolohiya, “nagpapa-bebe.” Parang yoyo na urung-sulong, atras-abante. Kung usung-uso ngayon si Yaya Dub, siya naman si Yoyo Dav – ang yoyo ng Davao.
Sa mga nakalipas na panahon, laging nagpakita si Duterte ng personalidad ng isang “macho man.” May paninindigan sa lahat ng desisyong inaakala niyang tama kahit sa paningin ng iba ay mali. Wika nga, isa siyang “no-nonsense guy”.
Pero nang dumating sa usapin ng kanyang ambisyon sa labas ng politika sa Davao, nakakadismaya ang ipinakita niyang asal! Sabi nga ng kaibigan ko “disgustingly indecisive.” May okasyong sinabi niyang tatakbo siyang presidente pero pagkatapos ay binabawi ang sariling salita. Ilang beses nangyari ito.
Nakakaintriga ang iniaasal ni Mr. Duterte. Parang binibitin niya ang kanyang mga political funders para ibuhos na sa kanya ang lahat ng tulong pananalapi para maging pinal ang kanyang desisyong tatakbo bilang Pangulo.
At bakit ginagamit niyang dahilan sa kanyang desisyong tumakbo ang hatol ng Senate Electoral Tribunal (SET) na nagdedeklara kay Grace Poe na natural-born Filipino? Mula pa nung una ay alam kong scripted ang ginagawa ni Duterte at mayroon siyang scripwriter na tila hindi nag-iisip. Dapat malaman ni Mr. Duterte na nakasisira sa kanyang pagkalalaki ang ginagawa niyang “laban-bawi”.
Siguro lahat ng mga pumapabor kay Duterte ay napapaisip ngayon: Mapagkakatiwalaan ba ang taong walang isang salita? Kapag pinupuna naman si Duterte ay halatang nanggigigil siya sa galit. Pikon. Gusto ba natin ang ganyang Presidente? Ipagkakatiwala ba natin ang ating hinaharap sa isang taong hindi matantiya kung ano ang magiging desisyon? Iyan ang bagay na dapat nating pakaisiping lahat.
- Latest