EDITORYAL - Ibalik, bonuses na binigay sa GOCCs
LABAG sa batas ang pagkakaloob ng P626 milyon na bonuses, allowances at incentives sa mga opisyal ng 28 government-owned and controlled corporations (GOCCs) noong 2014 kaya nag-utos ang Commission on Audit (COA) na ibalik iyon. Ayon sa COA, karamihan sa GOCCs na nakatanggap ng bonuses ay local water districts. Ang Bangko Sentral, isa sa GOCCs ang may pinakamalaking natanggap na umaabot sa P30.1 milyon. Sumunod ay ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na umaabot sa P213.84 milyon.
Sa susunod na buwan ay panahon na naman ng bigayan ng bonus at maaaring makatanggap muli ang GOCCs. Maaaring malaki muli ang matanggap ng mga opisyal at empleado ng GOCCs kaya masaya na naman ang kanilang Pasko. Habang ang ibang mga manggagawa ay halos maglumuhod sa employer para bigyan ng bonus, ang mga opisyal naman sa GOCCs ay halos mamutok ang bulsa dahil sa dami ng natatanggap na biyaya. At isipin na lamang na karamihan sa GOCCs ay hindi naman lubusang nakatutulong sa pamahalaan at bagkus ay pabigat pa. Isang taon na ang nakararaan, sinabi ni President Noynoy Aquino na maraming GOCCs na walang silbi ang bubuwagin na. Hanggang sa kasalukuyan ang mga hindi produktibong GOCCs ay pasanin pa rin at patuloy na pinasusuweldo ang mga opisyal at empleado nito at binibigyan pa nga ng bonus.
Ipatupad naman ng COA ang kanilang direktiba sa mga GOCCs. Kung labag sa batas ang pagkakaloob ng bonuses at allowances, dapat ngang ibalik iyon at dapat namang tumalima ang GOCCs lalo ang mga walang pakinabang o pasanin ng mamamayan. Nararapat din namang ipaalam sa taumbayan kung paano ang sistema ng pagbibigay ng bonus sa GOCCs. Sobrang laki ng bonuses at allowances na ipinagkakaloob sa GOCCs habang maraming manggagawa ang kakarampot ang suweldo at ang iba pa ay nagdadasal para mabigyan ng bonus ngayong Pasko.
- Latest