Solar panel ng PAG-IBIG
HANGA ako sa naimbentong teknolohiya na solar panel na nakapagbibigay ng libreng elektrisidad sa mga gumagamit nito. Medyo may gastos nga lang kung magpapakabit ka pero nakatitiyak ka na libre na ang kuryente mo habang buhay. Bukod diyan ay nakatutulong ka pa sa pangangalaga ng malinis na kapaligiran. Hindi ko alam kung magkano ang pagpapainstila pero ang sabi nila, para ka lang daw bumili ng bagong kotse.
Aba’y hindi na masama di ba lalu pa’t iisiping ligtas ka na sa electric bills na madalas tumaas. Ang magandang balita, puwede na palang umutang sa PAG-IBIG ang sino mang members na gustong magpakabit ng solar panels sa kanilang tahanan. Isasama daw ito sa tinatawag na home improvement.
Ito ay nakapaloob sa isang memo na nilagdaan ni PAG-IBIG chief Darlene Berberabe at ang maglo-loan ay gagamitin lamang na kolateral ang kanyang bahay at lupa.
Pinuri ni Emma Imperial, CEO ng Imperial Homes Corporation (IHC) ang programang ito ng PAG-IBIG kasabay ng paghimok sa mga housing developers na pangalagaan ang kalikasan sa paggamit ng renewable solutions na makatutugon sa problema ng climate change.
Maganda nga kung ang bawat developer ay susunod sa modelong ito ng IHC na pioneer sa “24-hour solar solution” particular sa mga low-cost communities na matatagpuan sa Sto. Tomas, Batangas at Estancia sa Legaspi City sa Bicolandia. Target ng IHC na makapagtatag ng may 5,000 kabahayan na gumagamit ng solar power, Tinataya na makababawas ito ng 9.2 milyong pisong gastos taun-taon sa elektrisidad na karaniwang galing sa fossil fuel na masama sa kapaligiran.
Kaya sa bagong programa ng PAG_IBIG, ang paggamit ng solar power ay magiging abot-kaya ng mga ordinaryong mamamayan. Sana nga, bawat tahanang Pilipino ay gumamit na ng ganitong teknolohiya dahil bukod sa malaking menos sa gastusin ay malaking tulong din ito sa pangangalaga ng kapaligiran.
- Latest