Huwag iboto ang tamad
TANONG nang marami: Maipapasa pa kaya ng Kongreso ang mga nakabitin na mahalagang batas?
Palagay ko’y napakalabo nang mangyari iyan dahil masyado nang umaalab ang init ng pulitika para sa halalan sa 2016. Siyempre mas prayoridad ngayon ng mga mambabatas ang kani-kanilang diskarte para sa 2016 elections. Eh kung nung araw ay nag-aaburido si Speaker Sonny Belmonte sa katatawag ng quorum, ngayon pa kaya?
Pero naniniwala si Speaker na puwede pang mailusot ng Kamara ang Bangsamoro Basic Law at economic Cha-Cha sa muling pagbubukas ng session sa November 3. Hiniling ni Belmonte sa mga kapwa mambabatas na ipasa ang dalawang priority measures.
Kaya talaga kung gugustuhin. Pero knowing our lawmakers, tingin ko mas pagkakaabalahan nila ngayon ang pangangampanya. Dapat siguro’y kamay na bakal ang gamitin sa mga ito para puwersahing ipasa ang mga kinakailangang batas.
Dapat siguro kilalanin ng taumbayan ang mga kongresistang tamad na hindi tumutupad sa pananagutang nakaatang sa kanilang balikat at huwag nang iboto. Aba’y pera ng taumbayan ang Ipinansasahod sa mga iyan tapos hindi gagawin ang obligasyon?
Sabi ni Belmonte, kung ang P3.2 trillion budget ng bansa ay naaprobahan bago ang break ng Kongreso nung Oct. 10, naniniwala siya na ang ibang priority measures ay maipapasa din.
Makonsensya naman sana ang mga tamad na mambabatas at dinggin ang panawagan ni Speaker. Nandiyan po kayo para bumuo ng mga batas sa kapa-kanan ng taumbayan. Ang pagliban sa mga sesyon ang dahilan kung bakit maraming importanteng batas ang nakabinbin pa rin.
Mahiya-hiya naman sana ang mga mambabatas na ito, kung may natitira pang nipis ang kanilang mga mukha.
- Latest