Gaano kahanda para sa El Niño?
TINATAYANG dadanas tayo ng pinaka-matinding El Niño nitong nakaraang 65 taon. Hindi ito bababa nang 10 buwan, hanggang Marso 2016, anang Climate Prediction Center sa Maryland, USA. Magiging pinakatuyot at mainit, at tataas ang temperatura nang 2 degrees Celsius mula normal, bandang Oktubre at Nobyembre. Ang El Niño ay weather phenomenon sa Dagat Pasipiko, na nagtutuyot sa Asya at Americas.
Ngayon pa lang ay pumipinsala na ang El Niño. Bumagsak nang 0.37% ang ani sa pananim at palaisdaan nitong 2nd-quarter 2015, kumpara sa nakaraang taon. Pinaka-apektado ang palay at mais, na bumaba ang produksiyon nitong dry-season harvest nitong Marso hanggang Hunyo, ulat ng Philippine Statistics Autho-rity. Bumaba ang kita ng mga magsasaka sa Cagayan Valley, Central Plains, at Bikol sa Luzon; at Davao, Socsksargen, at Northern Mindanao sa Katimogan.
Naghahanda na ang gobyerno, anang Malacañang. Si Presidente Aquino mismo ang nakatutok sa mga kaganapan. At naglista ang Dept. of Science and Techno-logy ng mga pook kung saan dapat mag-cloud seeding para umulan. At tinatatagan umano ang irrigation dams.
May mungkahi ako. Paghandain sana ni P-Noy hindi lang ang iilang pangasiwaan kundi lahat ng komunidad at mamamayan. Mahaba ang dry spell at drought. Hindi lang magsasaka at magpapalaisdaan ang maaapektuhan, kundi pati mga taga-siyudad. Ipatupad na sana ang batas na nag-o-obliga sa bawat barangay na maghukay ng water impounders. Ito’y ano mang maliliit na lote sa mabababang bahagi ng purok kung saan dumadaloy ang ulan. Ipunin dito ang tubig-ulan, para maipandilig ng hardin, panlinis ng sasakyan at kalsada, at pambawas ng alikabok sa panahon ng tag-tuyot. Para hindi pag-itlugan ng lamok, lagyan ng tilapia o hito ang hukay, at mga upuang pahingahan na rin ng mamamayan. Hikayatin ang bawat pamilya na magtipid sa tubig, at mag-ipon ng tubig-ulan sa mga drums. Masanay na ang lahat sa El Niño.
- Latest