Medical Marijuana
ISANG kontrobersyal na isyu ang isinusulong na bill sa Medical Marijuana. Ito’y legalisasyon ng naturang halamang droga para gamitin bilang gamot sa ilang karamdaman.
Ito ay isang bill na isinusulong para maipasa at mapagtibay ni Rep. Rodito Albano III dahil malaki raw ang maitutulong nito sa mga taong may maseselang karamdaman gaya ng epilepsy.
Ang paggamit ng marijuana o kilala rin sa taguring cannabis sativa ay laganap na sa ibang bansa at napatunayan na umanong mabisa para gamutin ang mga epileptic seizure ng isang pasyente.
May bahagya akong reservation sa panukalang ito pero hindi ko isinasara ang aking isipan. Papayag akong maisabatas ito basta’t lalung paiigtingin ang law enforcement at kung puwede ay bigatan ang parusa sa mga nagbebenta ng “damo” (tawag din sa marijuana) bilang drogang nakalalango sa mga kabataan o ilang katandaang lulong sa bisyong ito.
Kung magiging legal ang medical use ng marijuana, magkakaroon ng mga plantasyon ng halamang ito na dapat tanurang maigi upang tiyakin na walang makalulusot sa black market. Kung hindi, tiyak marami na naman ang maglilipanang mga drug addicts.
Kahit ang mga pari at obispong Katoliko ay may pananaw na katulad ng sa akin. Sa isang pastoral letter ng Catholic Bishop Conference of the Philippines na may lagda ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, dapat ikonsidera ang moral limitation at ethical use ng halamang ito bago isulong ang pagsasabatas nito.
Palagay ko, kailangan ang kooperasyon dito ng ating mga tagapagpatupad ng batas. Maging si Albano ay umamin na noong kabataan niya ay gumamit siya ng Marijuana sa panahon na ang mga kabataan ay mahahaba pa ang buhok at mahilig magprotesta sa kung anu-anong bagay.
Patuloy na nangyayari ang ganyan ngayon sa ating mga kabataan at bukod sa shabu, ang marijuana ay isa rin sa kanilang mga paboritong gamitin. Marahil, ang dapat isipin sa pagsusulong ng panukalang batas na iyan ay dalawang bagay: Una – ang paggamot sa ilang karamdaman at pa-ngalawa, paghihigpit sa pagpapatupad ng batas para hindi ito magamit sa paraang illegal na makapagpapahamak sa mga mamamayan.
- Latest