EDITORYAL - Earthquake drill regular na gawin
ANUMANG oras ay maaaring lumindol. Walang makapipigil sa paggalaw ng West Valley fault. Kaya ang pinakamagandang magagawa ay maging handa ang mamamayan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa maraming lugar sa bansa, Kailangan ang earthquake drill para maihanda ang mamamayan sa pagtama ng lindol. Ang kahandaan sa lindol ang magliligtas sa mamamayan. Marami ang makakasalba kung alam ang mga gagawin sakali at dumating ang tinatawag na “Big One”.
Nang ilabas ng Philippine Institute on Volcano-logy and Seismology (Phivolcs) noong Mayo ang mga lugar na sakop ng faultline ganundin ang mga isruktura na nasa ibabaw nito, wala nang maikakatwiran pa ang mamamayan na hindi nagbabala ang mga awtoridad. Hindi na masisisi ang pamahalaan sakali at may mga mapinsala o mamatay dahil sa pagyanig.
Sinabi ng Phivolcs na ang faultline ay nagsisi-mula sa Montalban, Rizal at nagtatapos sa Carmona, Cavite. Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, kung tatama ang 7.2 na lindol sa nasasakop ng faultline maraming mamamatay. Noong 2013, nagbabala na ang Phivolcs na kapag tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol, 37,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion. Natukoy ang West at East Valley Fault nang magsagawa ng pag-aaral ang Phivolcs katulong ang PAGASA, Mines and Geosciences Bureau sa tulong ng Ausralian government.
Dahil sa babala ng Phivolcs, marami nang siyudad at bayan sa Metro Manila at maging sa probinsiya ang nagdaos ng earthquake drill. Noong Huwebes, nagdaos ng drill sa Bonifacio Global City sa Taguig. Marami ang nakilahok sa drill at natuto sila sa mga tamang gagawin kapag tumama ang lindol. Kasabay sa pagdaraos ng drill sa Taguig, 17 pang lugar sa bansa ang nagdaos din ng drill mula 9:00 hanggang 11:00 ng umaga. Bahagi ito ng 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na inumpisahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Gawing regular ang pagkakaroon ng earthquake drill para lalong maging handa ang mamamayan. Imulat sila sa kahalagahan ng paghahanda sa pagtama ng lindol. Bukod sa quake drill, magdaos din ng fire drill.
- Latest