Mabuti na lang
MABUTI naman at walang nasaktan o namatay sa pagbagsak nang malaking girder launcher sa Andrews Ave. sa Pasay noong Lunes ng hapon. Pero sa pagbagsak nito, pitong sasakyan ang natamaan. Iniimbestigahan pa ang dahilan ng aksidente, para matiyak na hindi na maulit. Tutulungan din daw ng kontraktor ang mga may-ari ng pitong sasakyan sa kanilang insurance. Paano pala kung hindi insured? Ang tinitingnan ay kung nagkaroon ng diperensiya ang launcher mismo dahil ayon sa mga operator, pinatay na nila ang makina pero umaatras pa rin, kaya lumampas sa kinalalagyan nito. May automatic na safety daw ang launcher na kapag masyadong mabigat ang dala, kusang mamamatay ang makina. Ang operator ng launcher ay matagal na ring nasa kumpanya, at dumaan sa masinsinang pagsasanay. Pero marami na rin tayong napapanood ng mga video kung saan nagaganap ang mga aksidente na sangkot ang mga malalaking kagamitan. Patuloy pa rin ang imbestigasyon.
Malaking proyekto ang isinasagawa sa Andrews Ave., bahagi ng Skyway, para makatulong sa trapik. Pero hindi talaga puwedeng isara lamang ang kalsada sa mga sasakyan dahil malapit sa NAIA Terminal 3. Wala nang ibang madadaanan ang mga pasaherong paalis at pabalik. May mga hindi nga umabot sa kani-kanilang mga lipad dahil sa naganap na aksidente. Ang isa pang problema ngayon, dahil nasira ang girder launcher, mga isang buwan bago dumating ang launcher na tanging makakagawa ng trabaho sa nasabing proyekto. Kaya maaantala ang trabaho sa proyekto at wala silang magagawa habang hindi nalalagay sa tamang puwesto ang mga malalaking istraktura.
Ito ang mga peligro na hinaharap nating lahat. Dahil sa dami ng sasakyan, at konti at maliliit lamang ang mga kalsada, hindi malayo na may maganap na aksidente sa paligid ng mga ginagawang proyekto tulad nito. Kaya dapat sinisigurado ng lahat ng kontraktor na nasa maayos ang lahat ng kanilang kagamitan. At kailangang laging listo ang mga operator ng mga malala-king makinarya sa lahat ng oras. Hindi pwedeng malibang ng kahit sandali lang. Mabuti na lang talaga at walang nasaktan. Hindi ko maisip ang kalagayan ng mga tao na mababagsakan ng ganitong kalaking kagamitan.
- Latest